MAGTATAGAL pa ang pandemya na dulot ng COVID-19. Mahirap man tanggapin pero ayon na rin sa mga eksperto, ang pinaka malaking factor na makaka-salba sa sitwasyon ngayon ay ang inaabangang bakuna na sa susunod na taon pa maaaring ma-develop.
Sa ngayon, naitatalang higit 50,000 pa rin ang active COVID-19 positive cases sa buong bansa. Bagama’t mataas pa rin ang bilang na ito, kumpara noong mga nakaraang buwan ay malaki na ang ibinaba ng mga nahawaan ng coronavirus. Pero hindi ibig sabihin na magpaka-kumpyansa tayo.
Ayon sa Department of Health (DOH), hindi pa sigurado na nasa stage na tayo na nangyari na ang “flattening of the curve”, lalo na’t mahigit na sa 250,000 ang bilang ng mga nagpositibo mula pa noong Pebrero. Ngunit sabi ko nga sa mga nauna kong mga column, kahit maliit na development ay magandang balita na para sa akin.
Bumababa na nga ang dami ng positibong kaso na duma ragdag araw-araw, at malaki ang impact nito sa mental being ng mga Pilipino. Pero ‘ika nga ng DOH, hindi ito dahilan para magpabaya. Tingnan na lang natin ang nangyari sa mga karatig nating bansa na muling tumaas ang bilang ng positibong kaso matapos ang akala nila’y contained na sitwasyon. Kaya naman para maka-iwas tayo, suportahan natin ang programa ng gobyerno sa pagbabalik sa New Normal.
Positibo ang ilang opisyal ng gobyerno na muli nang magbubukas ang ekonomiya dahil mas magiging mas maluwag na ang restrictions ng quarantine lalo na sa Metro Manila. Inaabangan na ang pagsasailalim ng NCR sa modified general community quarantine (MGCQ) ngayong Oktubre sakaling mas bumuti na ang sitwasyon, ayon na rin kay National Task Force (NTF) Against COVID-19 chairperson and Defense Secretary Delfin Lorenzana.
Ayon pa kay Lorenzana, ang layunin ngayon ay tuluyan pang bumaba ang bilang ng positive cases nang sa gayon ay mailagay na sa MGCQ ang Metro Manila sa pagtatapos ng buwan. Pero kaakibat nito, pinaalalahanan niya ang mga opisyal ng gobyerno na tuluy-tuloy na pagtibayin ang public health system at paghusayin pa ang ating kakayahan sa testing, tracing at treatment ng COVID-19.
Malaki ang maitutulong ng mga local government units sa pagpapatupad ng disiplina sa kanilang mga nasasakupan at pagsasa-ayos ng sistema ng tracing at treatment sa mga matitirang positibong kaso sa kanilang lugar.
Importante rin na tayo mismo ay aktibong gumawa ng mga paraan para labanan ang COVID-19, mula sa pagsunod sa minimum health protocols tulad ng pagsuot ng face mask, face shield, pagsunod sa social distancing, regular na sanitation, at pagpapanatili ng kalinisan sa katawan.
Hinihimok ko rin ang kapwa ko mga Pilipino na magtulungan at lahat tayo ay sumunod sa mga quarantine protocols, lalo na ang ating mga barangay officials. Suportahan din natin ang mga medical frontliners dahil sila lang ang maaasahan natin sakaling tayo ay dapuan ng sakit.
Nasa ika-anim na buwan na tayo ng quarantine, at ang ilan sa mga manggagawa hanggang ngayon ay tuloy pa rin na naka-work from home. Napatunayan natin na sa kabila ng sitwasyong ito ay naging productive pa rin tayo at sama-samang nag-aangat ng ekonomiya.
Sa kasalukuyang extended General Community Quarantine (GCQ), malaking bagay na pinayagan na ng gobyerno na muling magbukas ang ilang industriya tulad ng mga gym, computer at café shops at maging mga barber shops at salons para unti-unting umangat muli ang ekonomiya ng bansa. Kinakailangan lang talaga ng doble ingat dahil karamihan sa mga negosyong ito ay may physical contact. Striktong sundin ang lahat ng safety and health protocols mula sa IATF.
Mabuti rin at ang ilang mga restaurants na lubusang naapektuhan ang negosyo dahil sa pandemya, ay maaari na muling magbalik operasyon.
Karamihan sa restaurants na ito, bukod sa pagpapatupad sa mahigpit na safety protocols, ay nagdagdag pa ng contact tracing measures tulad ng paghingi ng contact details ng kanilang customers upang mapigilan ang pagkalat ng virus, at para hindi sila mapilitan magsara muli. Maraming mga sakripisyo na pinagdaraanan ngayon lalo na ang mga maliliit na k ainan dahil mas kaunti na bilang ng customers na maaaring pa pasukin at pagsilbihan dahil sa mahigpit na safety and health measures.
Pero ito rin naman ang panahon para gumawa ng makabagong paraan o sistema para sa kanilang mga negosyo gaya na lang ng pagdagdag ng digital component sa kanilang serbisyo. Marami nang mga food at delivery business ang sumubok na ng online selling/ marketing, at ilang mga mal alaking negosyo ay mas lalo pang pinagtibay ang digital system nila para mas makatulong sa customers.
Bilang mga responsableng mamamayan, kailangan nating protektahan ang mga mahal natin sa buhay at ang buong komunidad na kinabibilangan natin. Kung hindi maiiwasan na lumabas para sa mga importanteng tungkulin, gumamit ng face mask, face shield, at sumunod sa safety protocols.
Hindi pa tapos ang laban natin sa coronavirus pero kung gagawin natin ang parte natin, mas mabilis tayong makaka-ahon muli.
Sa ngayon ay dumadaan tayo sa isang “acid test”- nasa ating kamay na para siguraduhin na magtatagumpay tayo at bumalik na muli tayo sa normal na buhay bago ang pandemya.
