KOMITE NI VELASCO BUTATA P46-B utang sa PSALM ng power firms makokolekta ng ibang House panel

TULUYAN nang naitsapwera at nailampaso si House Committee on Energy Chairman Marinduque Rep. Lord Allan Velasco ng House Committee on Public Accounts and Public Accountability at House Committee on Good Government matapos magawa nitong makakolekta ng P46B na utang ng mga power firm mula sa Power Sector Assets and Liabilities Management (PSALM).

Kahapon ay itinuloy nina House Committee on Public Accounts and Accountability Chairman Anakalusugan Rep Mike Defensor at House Committee on Good Government Chairman Bulacan Rep Jonathan Sy-Alvarado ang imbestigasyon sa P95B utang ng power firms sa gobyerno subalit kapansin-pansing hindi lumahok dito ang komite ni Velasco.

Una nang inimbitahan nina Defensor at Sy-Alvarado si Velasco na makiisa sa imbestigasyon matapos na rin ilutang ni Surigao Rep Johnny Pimentel na ang House Committee on Energy ang siyang may hurisdiksyon na mag-imbestiga sa utang ng mga power firm subalit no show naman ito sa ikatlong pagdinig kahapon.

Ang komite ni Velasco ang may oversight power sa PSALM at sa buong power generation industry subalit may apat na taon na itong chairman ng komite subalit hindi ito nagsagawa ng imbestigasyon sa isyu dahil na rin sa pagiging malapit nito sa negosyanteng si Ramon Ang na siyang may-ari ng South Premier Power Corp (SPPC) na may utang sa gobyerno ng P24B.

Malalim ang koneksyon ni Velasco kay Ang dahil ang negosyante ang sinasabing financier nito sa pagtakbo sa Speakership race kung saan ilang mga produkto ng San Miguel Corp ni Ang gaya ng mga de-lata at ham ang kalimitang giveaway ng mambabatas. Ang asawa rin nito na si Wen Velasco ay personal assistant ng tycoon. Malaki rin ang shares of stocks ni Velasco sa San Miguel at Petron Corporations ni Ang. Si dating Supreme Court justice at ngayon ay Marinduque Governor Presbitero Velasco naman ang nagponente sa desisyong pumabor sa San Miguel Corporation upang mapunta sa kumpanya ang pinaglalabanang coconut levy funds.

Una nang sinabi ni Defensor na hindi na nila hihintayin na umaksyon si Velasco kung may personal itong kadahilanan subalit hindi mapipigilan ang kanilang komite na habulin ang mga power firm kabilang na ang SPPC.

Ayon kay Defensor, inaasahan nilang makakolekta ng P46B na magagamit ng gobyerno sa mga priority program nito kasama na ang pandagdag pondo sa pagtugon sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Kabilang umano sa nag-commit na magbabayad ay ang SPPC na aabot sa P22.6B bilang advance sa kanilang monthly payment sa PSALM mula Marso 2020 hanggang Hunyo 2022, ang commitment na ito ng SPPC ay upang may magamit na pondo ang gobyerno sa mga programa nito.

Handa ang SPPC na magbayad ng cash kung tatanggapin ng gobyerno ang alok nitong advance payment.

Sinabi ni Defensor na maliban sa makukuha sa SPPC ay may P23.6B pa ang kokolektahin mula sa iba pang power firms kabilang ang Meralco (P15 billion); Northern Renewables Generation Corp. (P4.6 billion); FDC (Filinvest Development Corp.); Misamis Power Corp (P2.6B) at FDC Utilities, Inc ( P1.2-billion).

“Since we started the inquiry, there has been a lot of movement in the energy sector. We have to help the government collect the huge indebtedness of P95.4 billion or this would eventually be absorbed by Filipino consumers in terms of higher electricity rates,” pahayag ni Defensor.

Alinsunod sa charter ng PSALM, ang corporate life nito ay magtatapos sa 2026 kaya naman sinabi ni Defensor na hindi kailangang manahimik ng Kamara sa isyu at habulin ang mga may utang na power firms.

Umaasa si Defensor na ang iba pang mga independent power producer at electric cooperatives ay susunod din sa hakbang ng ibang kumpanya at magkukusang magbayad ng kanilang mga utang. SAKSI NGAYON NEWS TEAM

129

Related posts

Leave a Comment