KONGRESO KUKUYUGIN NG PRO-DU30 PARTY-LISTS

PAKAWALA ng administrasyong Duterte kung ilarawan ng isang militanteng kongresista sa Kamara ang umano’y sangkatutak na party-list groups na lalahok sa nalalapit ng 2022 general elections.

Ayon kay Bayan Muna Rep. Carlos Zarate, karamihan ng mga nagnanais ng pwesto sa Kamara de Representante ay pawang pinatakbo lamang ni Pangulong Rodrigo Duterte sa hangaring patuloy na madiktahan ng mababang kapulungan ang 19th Congress.

“Naglipana ang mga pekeng party-list. Ang iba dito ay talagang directly and indirectly pinondohan ng estado lalong lalo na ng NTF-ELCAC (National Task Force to End Local Communist Armed Conflict),” ani Zarate, na pinatutungkulan ay ang bilang ng mga naghain ng kani-kanilang Certificate of Nomination and Acceptance (CONA).

Gayunpaman, hindi naman nagbigay ng iba pang detalye ang kongresista – maliban sa pinondohan umano ang mga ito gamit ang budget ng NTF-ELCAC. Mayroon din aniyang ilan sa party-list groups na pork barrel ng administrasyon ang pinaghugutan ng pondo.

Kumbinsido din aniya ang kanilang hanay na sadyang pinalobo ang pondo ng NTF-ELCAC sa 2022 para matustusan ang mga pakawalang grupong pumupusturang kinatawan ng “marginalized sectors.”

Sa isinumiteng national expenditure program ng Department of Budget and Management (DBM), lumobo ang panukalang pondo para sa NTF-ELCAC – P28B mula sa P16B para sa kasalukuyang taon.

“Ito ay nagpatotoo sa sinasabi namin noon na ang budget na ito ay gagamitin talaga sa eleksyon sa pagsulputan ng mga party-list na direktang nakaugnay sa NTF-ELCAC,” ayon pa sa mambabatas.

Panawagan ni Zarate sa publiko, maging mapanuri.

“Kaya kailangang mapanuri at bantayan ito ng ating mamamayan ang ganitong mga pekeng party-list,” pahabol pa niya. (BERNARD TAGUINOD)

124

Related posts

Leave a Comment