BATANGAS – Patay ang isang pulis at tatlong armadong kalalakihan habang sugatan ang dalawang sibiyan, sa engkwentro sa Brgy. Quilitisan sa bayan ng Calatagan sa lalawigang ito, noong Sabado ng gabi.
Kinilala ang biktimang si Patrolman Gregorio S. Panganiban Jr., Assistant Finance Police Non-Commissioned Officer, at miyembro ng Traffic/Patrol Team ng Calatagan MPS.
Base sa ulat na natanggap ng Calatagan Municipal Police Station, may umaaligid na armadong kalalakihan sa Calatagan Cockpit Arena.
Target umano ng mga ito ang isang nagngangalang Michael Comaya na municipal councilor ng Lian, Batangas at administrator ng nasabing cockpit arena.
Mabilis na bineripika ng mga awtoridad ang impormasyon at habang patungo sa lugar ang mga ito ay agad na pinaulanan ng bala ng mga suspek ang mga pulis.
Nakipagpalitan ng putok ang mga awtoridad at napatay ang mga suspek na sina Joel Robles Herjas, Rolly Herjas, at Gabriel Robles Bahia, pawang mga residente ng Brgy. Biga, Calatagan, Batangas.
Dead on arrival naman sa Metro Balayan Medical Center si Patrolman Panganiban dahil sa tama ng bala sa dibdib.
Sugatan sa kanang balikat ang sibilyang si Joselito Carlum habang tinamaan ng bala sa ulo si Mayumi Dunaway ngunit nasa mabuti nang kondisyon.
Nagpaabot naman ng pakikiramay si PRO4 Regional Director P/BGen. Antonio C. Yarra sa pamilya ni Patrolman Panganiban. (CYRILL QUILLO)
296 