NAPAKAHUSAY ng ginawang pagtumbok ni Pangulong Rodrigo Duterte na talamak pa rin hanggang ngayon ang korapsyon sa Department of Public Works and Highways (DWH) dahil walang nakaangal at nakapalag sa kanyang pahayag.
Kapag sinabi ni Duterte na korap ang opisyal na ito, siguradong korap ito.
Kapag binanggit naman niyang hindi korap ang opisyal na ito, tiyak palagi niyang sasabihing hindi korap ang nasabing opisyal.
Hindi tatanggalin ni Duterte sa puwesto kahit halos araw-araw nang ibinabato ang kaliwa’t kanang pahayag at ebidensiyang magnanakaw ng pera ng pamahalaan ang opisyal na itinalaga sa isang kagawaran, o ahensiya.
Sampol: Hindi agad tinanggal ni Duterte si Ricardo Morales at iba pang opisyal ng Philippine Health Insurance Corporation (PHILHEALTH), samantalang tinatambakan na ng mga senador at kongresista ng mga kongkretong ebidensya ng katiwalian, korapsyon at pandarambong ang nasabing ahensiyang bahagi ng Department of Health (DOH).
Mas matindi ang desisyon ni Duterte kay Secretary Francisco Duque III.
Hanggang ngayon sekretaryo pa rin ng DOH si Duque kahit idiniin sa ulat ng Senado na kasama ito sa dapat kasuhan sa katiwalian, korapsyon at pandarambong na naganap sa PhilHealth.
Ang ginawang ito ni Duterte kay Duque, Morales at iba pang napakapalad na mga nilalang sa administrasyong Duterte ay napakalayo sa iwinasiwas ng pangulo noong 2016 na tanggal sa puwesto kahit “whiff of corruption” pa lang.
Ngayon naman ay DPWH ang inilaglag ni Duterte.
Sa unang tingin, hahanga ka sa pangulo dahil inamin at kinumpirma niya ang usaping matagal nang nalalaman ng mamamayang Filipino.
Ngunit, kung uunawaing mabuti ay walang bago sa linya ni Duterte dahil nanatiling nagtitiwala siya kay DPWH Secretary Mark Villar.
Hindi nagbigay ng paliwanag si Duterte hinggil sa kanyang tiwala kay Villar.
Mukhang ang mahalaga rito ay nilinaw ni Duterte sa publiko na hindi nawala ang korapsyon sa DPWH hanggang ngayon, pero walang kinalaman si Villar.
Kaya, mananatili si Villar sa DPWH.
Mananatili si Villar sa kagawarang matindi ang katiwalian at korapsyon.
Inamin ni Villar na totoo ang pahayag ni Duterte, ngunit iniungos niya na marami na siyang ginawa laban sa korapsyon.
Marami na rin daw siyang kumpanyang tinanggalan ng karapatang makasali pa sa bidding ng mga proyekto ng DPWH.
Ngunit, hindi tanggap ng publiko ang ganyang paliwanag ni Villar.
Mas gusto ng mga Filipino na “agad na nagbibitiw sa puwesto” ang opisyal ng pamahalaan na inilagay sa matinding kahihiyan ang ahensiyang pinamumunuan niya, lalo pa kung kagawaran ang antas nito tulad ng DPWH, DOH at iba pa.
Nalimutan ko lang ang mga bansang nagbibitiw ang mga opisyal kahit kaunting kaluskos ng anomalya, pagkakamali, o kahit anong pangyayari na mapapahiya sila.
Iba sa Pilipinas.
Sa totoo lang, hindi nakakahanga ang desisyon ni Villar kahit saang anggulo sipatin.
Kung bigla siyang nagbitiw, tapos humingi ng tawad kay Duterte at sambayanang Filipino dahil nabigo siyang masawata ang katiwalan, korapsyon at pandarambong sa DPWH mula noong Hulyo 2016 hanggang kasalukuyan ay pihadong napakaraming matutuwang Filipino.
Hindi kahinaan at lalong hindi mali na humingi ng tawad sa pangulo ng bansa, lalo na siyempre sa mamamayang Filipino.
Hahanga pa nga ang mamamayan sa kababaang loob na ipapakita ni Villar.
Kaso, hindi ito ginawa ni Secretary Mark Villar.
Hindi niya ginawa!
Baka nga kumalat sa social media na siya na ang ‘karapat-dapat’ na maging pangalawang pangulo ng bansa sa 2022 hanggang 2028.
Bakit pangalawang pangulo?
‘Yan ang kumalat na balita nang maging sekretaryo si Villar ng DPWH noong 2016.
Kaya, naging hepe siya ng DPWH ay dahil ‘napakalaki’ ang naitulong ng pamilya Villar, sa pangunguna nina dating Senate President Manny Villar at Senadora Cynthia Villar, sa kampanya ni Duterte.
Pwede ring tumakbong senador si Villar para dalawa na silang Villar sa mataas na kapulungan ng Kongreso.
Tapos, mayroon pang kongresistang Villar.
Pokaragat na ‘yan!
Kapag nangyari ‘yan, pihadong panalung-panalo ang pamilya Villar sa negosyo.
178 