HINDI isinasantabi ng isang mambabatas sa Kamara na corruption ang dahilan kung bakit bumagsak ang kabubukas na tulay sa Isabela na ginastusan ng gobyerno ng mahigit isang bilyong piso.
Dahil dito, agad nagpatawag ng imbestigasyon si House deputy minority leader France Castro dahil hindi aniya dapat ipagwalang-bahala at panagutin ang mga mapatutunayang nagnakaw ng pondo ng tulay.
“Nakakaalarma na ang isang P1.22 billion na bridge na kaka-retrofit lang noong February 1 ay gumuho kaagad. Hindi ito simpleng aksidente o kapabayaan lamang. Kailangang silipin ang posibilidad ng corruption at substandard materials,” ayon sa mambabatas.
Magugunita na bumagsak ang isang bahagi ng Cabagan-Sta. Maria Bridge sa Isabela noong Huwebes, na kabubukas lamang noong Pebrero 1, ngayong taon matapos ang sampung taong konstruksyon.
Ang nasabing tulay ay bahagi ng build-build-build program ng nakaraang administrasyon subalit nang dumaan ang isang dump truck na may kargang quarry stones na may bigat na 101 tonelada ay gumuho ito na naging dahilan ng pagkasugat ng 8 katao.
Sa ngayon ay isinisi sa flagman ang insidente dahil pinayagan nitong dumaan ang dump truck gayung 40 tonelada lamang ang kapasidad ng tulay. Sa kabila nito, iginiit ng mambabatas na dapat imbestigahan ang kalidad ng materyales na ginamit.
Kailangan aniyang alamin kung sino sa Department of Public Works and Highways (DPWH) ang nangasiwa sa proyektong ito at tumbukin ang pananagutan ng kontraktor na RD Interior Jr. Construction para masampahan ang mga ito ng mga kaukulang kaso tulad ng plunder.
“Hindi lang dapat ang flagman ang sinisisi dito. Kailangang managot ang contractor at mga DPWH officials na nag-approve at nag-supervise ng proyektong ito. Kung mapatunayan na may corruption at substandard materials, dapat kasuhan sila ng plunder at economic sabotage,” ayon pa kay Castro. (PRIMITIVO MAKILING)
NBI Kumilos Na
SANTA MARIA, Isabela — Tinitignan na ng National Bureau of Investigation (NBI) office sa Isabela City ang posibilidad ng korupsyon sa pagbagsak ng isang bahagi ng kabubukas lang na tulay ng Cabagan-Santa Maria.
Nagbigay naman ng sariling pananaw ang nagbabalik na senatorial candidate na si dating Philippine National Police chief Panfilo ‘Ping’ Lacson at sinabi nitong may espesyal na lugar sa kulungan para sa mga taong masasangkot sa substandard construction ng tulay, na ipinatayo sa halagang ₱1.225 bilyon. Ang pagkasira ng tulay ay nagresulta sa pagkasugat ng anim katao, kabilang ang isang bata, at pagkawala rin ng isa pa.
Ang tulay, na may habang 990 metro at binubuo ng 12 arko ay sinimulang itinayo noong Nobyembre 2014 at unang tatapusin sana nang 2019, subalit isinailalim ito sa retrofitting at nakumpleto lamang nitong Pebrero 1.
Sinabi ng mga opisyal ng DPWH na magsasagawa sila ng masusing pag-aanalisa upang madetermina ang dahilan ng pagbagsak, kasama ang mga eksperto mula sa Bureau of Design (BoD) at Bureau of Construction (BuCon).
