DEAD on arrival sa pagamutan ang isang mag-asawa at ang kanilang tatlong taong gulang na anak matapos masangkot sa madugong aksidente sa lansangan ang sinasakyan nilang Mitsubishi Mirage 4 at isang prime mover trailer truck sa national highway sa Barangay Talus, Malungon noong Miyerkoles ng umaga.
Kinilala ang mga biktimang sina Abdulmajid Sarapudin, 35, dating pulis; kanyang asawang si Ivy Lou, 33, at ang kanilang anak na babae, pawang residente ng Barangay Labangal, General Santos City.
Lumilitaw sa inisyal na imbestigasyon, minamaneho ng padre de pamilya ang kotse nang mabangga sila ng truck sa bahagi ng national highway sa Sitio Molave, Barangay Talus bandang alas-5:30 ng madaling araw, ayon sa Malungon police
Ayon sa Malungon MDRRMO, nawalan umano ng kontrol si Sarapudin sa sasakyan matapos mahulog sa pagitan ng aspalto at sementadong daan ang kotse kaya nawalan ng kontrol ang driver at napunta sa kabilang linya, kung saan nakasalubong nito ang truck na minamaneho ng isang alyas “Cris”.
Idineklarang dead on arrival sa ospital ang tatlong biktima na nakaladkad pa ang sinasakyang kotse ng ilang metro ng nakasalubong na truck.
Agad ding sumuko sa mga awtoridad ang truck driver na posibleng maharap sa kasong kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide.
(JESSE KABEL RUIZ)
