KRITISISMO SA ‘DECORUM’ SA SENADO BAHAGI NG DEMOKRASYA – JINGGOY

TALIWAS sa negatibong reaksyon ni Senador Robin Padilla, tanggap naman ni Senador Jinggoy Estrada na ang mga kritisismo kaugnay sa bagong komposisyon ng Senado ay mahalagang bahagi ng proseso ng demokrasya sa bansa.

Ito ay kasunod ng naging puna ni dating Senate President Franklin Drilon sa sinasabing kawalan na ng decorum sa Mataas na Kapulungan.

“Constructive feedback is an essential part of our democratic process and the lack of decorum in our chamber has been a cause for concern. As public servants entrusted with the responsibility of representing our constituents, we must demonstrate the values we hold dear,” pahayag ni Estrada.

Kasabay nito, iginiit ni Estrada na ang pagresolba sa pinupunang kawalan ng decorum ay nangangailangan anya ng aksyon ng buong Senado mula sa liderato at sa mga miyembro nito.

Ang bawat miyembro anya ng Mataas na Kapulungan ay may responsibilidad para sa kanilang mga binibitiwang salita at aksyon kasabay ng pagkonsidera sa posibleng epekto nito sa reputasyon ng Senado at tiwala ng publiko.

“We, Senators, should strive to be role models of professionalism, and set an example for our colleagues and future generations of legislators,” dagdag ng senador.

Ipinaliwanag pa ni Estrada na may mga hakbangin upang resolbahin ang mga puna at itaas ang integridad ng Senado kabilang na anya rito ang mga probisyon sa Rules of the Senate na sumasaklaw sa mga sinasabing unparliamentary acts ang isang senador.

Aminado naman ang mambabatas na may mga pagkakataon sa mga talakayan sa Senado ay tumataas ang emosyon ng bawat isa subalit kailangan pa ring manatili ang professionalism at paggalang sa bawat isa.

Una rito, sinabi ni Padilla na hindi nagpapatawa ang mga bagong senador at seryoso nilang tinututukan ang paghahanap ng solusyon sa mga minana nilang problema sa mga tinawag nitong kagalang-kagalang at honorable senators.

Binigyang-diin pa ni Padilla na ang mga bagong senador ay mula sa masa na bagama’t maiingay ay hindi naman natutulog o naglalaro ng cellphones sa kanilang trabaho.

Dapat din anyang masanay na ang taumbayan sa bagong mukha ng Senado na mga bata, maliksi at walang paliguy-ligoy. (DANG SAMSON-GARCIA)

251

Related posts

Leave a Comment