KUKUBRA NG SAP EXEMPTED SA CURFEW

EXEMPTED muna sa curfew sa kani-kanilang lugar ang mga kumukuha ng benepisyo mula sa Social Amelioration Program.

Ito ay kaugnay ng pasya ng Department of Interior and Local Government na palawigin pa ng tatlong araw ang pamamahagi ng cash sa ilalim ng SAP ng mga Sangguniang Pambarangay at Department of Social Welfare and Development matapos na dalawang ulit mabigong tapusin ito sa itinakdang deadline.

Ayon sa kagawaran, pinalawig pa ang deadline para sa National Capital Region (NCR).

Nabatid na Mayo 7 sana ang huling araw ng distribusyon ng first tranche ng cash aid mula sa SAP matapos itong palawigin ng pitong araw mula noong Abril 30 na siya namang orihinal na deadline. Nitong Huwebes, inihayag ni DILG Sec. Eduardo Año na sa halip Mayo 7, 2020 ay ginawa na nilang hanggang Mayo 10 ang pamamahagi ng emergency cash assistance.

Ang nasabing hakbang ay bunsod ng impormasyong ipinarating sa kalihim na hanggang kamakalawa ng gabi ay 77.51 percent pa lamang o katumbas ng 985 ng 1,654 pa lang qualified families ang nabibigyan ng cash subsidy.

Kaya naman nagpasya rin ang DILG na atasan ang Philippine National Police (PNP) na pansamantalang huwag isama ang mga indibidwal na namamahagi at kukuha ng cash aid sa ipinatutupad na curfew upang hindi maapektuhan ang distribusyon ng nasabing benepisyo na ngayon ay minamadali na ng pamahalaan na matapos.

Aminado ang kalihim na ang NCR ang siyang may pinakamalaking problema sa paghahatid ng cash assistance dahil marami ang qualified beneficiaries dito. JESSE KABEL

141

Related posts

Leave a Comment