RIZAL – Hindi na natapos ng isang lalaki ang kanyang almusal nang pagbabarilin ng dalawang hindi nakilalang suspek habang kumakain sa isang canteen sa Sitio Harangan, Brgy. San Isidro sa bayan ng Rodriguez nitong Linggo ng madaling araw.
Kinilala ang biktimang si alyas “Johndel”, 25-anyos, residente ng Brgy. San Isidro, Rodriguez.
Ayon sa report ng Rodriguez Police, bandang alas-2:20 ng madaling araw nang dumating ang dalawang armadong lalaking sakay ng isang motorsiklo at biglang tinutukan ng baril ang mga nasa loob ng kainan.
Nagawa namang makatakbo ng biktima patungo sa comfort room ng canteen subalit hinabol ito ng mga suspek at doon pinagbabaril na agad nitong ikinamatay.
Pagkaraan ay tumakas ang mga suspek lulan ng isang ng motorsiklo.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng Rodriguez Police sa kaso at inaalam ang pagkakakilanlan ng mga suspek at ang motibo sa krimen. (NILOU DEL CARMEN)
13