SA hangaring tiyaking ‘di na aabot pa sa merkado, tuluyan nang pinawasak ng Bureau of Customs (BOC) ang mga abandonado at kumpiskadong kargamentong naglalaman ng iba’t ibang sukat ng goma ng mga sasakyan.
Sa kalatas ng BOC, ibiniyahe pa patungo sa Naga City sa lalawigan ng Cebu, kung saan giniling, pinulbos at ginamit na panggatong ang nasa 535 pirasong segunda-manong goma ng mga sasakyang nakatambak lang sa pasilidad ng Port of Iloilo.
Ayon pa sa kawanihan, ginamit na panggatong sa pagpoproseso ng semento ang mga nasabat na second hand tires, kasabay ng pagtitiyak na naaayon sa pamantayan ng Clean Air Act ang isinagawang pagwasak sa mga kumpiskadong segunda-manong goma ng sasakyan sa pasilidad ng APO Cement Corporation.
Ang pagwasak ay pinangasiwaan ng BOC Supervising Team for Condemnation sa pangunguna ni Jovan Conlu na tumatayong hepe ng Auction and Cargo Disposal Unit (ACDU), kasama ang mga kinatawan mula sa Office of the District Collector (ODC), Enforcement and Security Service (ESS), Customs Intelligence and Investigation Services (CIIS), at Local Public Information Office.
Tumayo namang saksi ang mga kinatawan mula sa Port of Cebu-ESS at mga Safety Officers ng APO Cement Corporation.
Kasunod ng isinagawang pagwasak, binigyang pagkilala naman ng Port of Iloilo District Collector Ciriaco Ugay, ang APO Cement Corporation, APO Plant Director, Gery Rota, at Environmental Manager Jenevy Patalingjug para sa matagumpay sa kondemnasyon ng mga abandonado at kumpiskadong kontrabando.
Pagtitiyak ni Ugay, mas paiigtingin pa ng kanyang tanggapan ang pagtalima sa mandatong nakaatang sa
kanila. (JOEL AMONGO)
185 