NANAWAGAN ang Partido Demokratiko Pilipino (PDP) sa ilalim ni deputy spokesman Atty. Ferdinand Topacio na magpatawag ng snap election kung ayaw magbitiw sa puwesto ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa isang press briefing ng Manila City Hall Reporters Association na ginanap sa Century Seafood Restaurant sa Malate, Maynila, sinabi ni Topacio na, “Kung ayaw niyang mag-resign, magpa-snap election na lang siya.”
Kabilang ang PDP sa mga grupong nananawagan ng “Marcos Resign” o ng pagsasagawa ng snap election.
Samantala, sinopla ng Department of National Defense (DND) ang mga nag-uudyok na lumahok ang militar sa mga pagkilos laban sa korupsyon at sa isyung pulitikal.
Pagtiyak ni Defense Secretary Gilberto “Gibo” Teodoro, hindi magpapasulsol ang kasundaluhan sa mga isyung kinakaharap ng bansa, partikular sa usapin ng kredibilidad, at graft and corruption.
Iginiit ni Teodoro na walang dahilan para makialam ang Armed Forces of the Philippines (AFP) dahil hindi ito kasama sa mga isyung pulitikal at hindi rin militar ang solusyon sa mga problema ng bansa.
“Stable ang Armed Forces. Ang problema ng bansa ay hindi militar, at ang solusyon ay hindi rin militar. Ang solusyon ay tamang project management, tamang pagtugon sa imprastruktura, at ang pagsugpo sa korapsyon—ang mga may sala, kahit sino at kahit gaano kataas, dapat maparusahan,” ani Teodoro.
Dagdag pa niya, seryoso umano si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa pagpapanatili ng kredibilidad ng pamahalaan.
“May mga political problems, hindi natin tinatanggi ‘yan, pero ang solusyon ay hindi military. Alam ng AFP na hindi sila gamot sa ganitong usapin,” sabi pa ng kalihim.
Sinalungat din ni Teodoro ang panawagan ng ilang grupo na makialam ang militar upang mapilitan umanong magbitiw sa pwesto si Pangulong Marcos.
“‘Yung mga panawagan na ‘yan, maliit lang na grupo. Hindi ‘yan boses ng sambayanan. Kung gusto nila, mag-referendum sila. Hindi ba tayo natuto? Kapag nag-intervene ang military, hindi maganda ang kinalalabasan,” giit niya.
(JESSE RUIZ)
