CLICKBAIT ni JO BARLIZO
NITONG nagdaang linggo, marami ang nag-init—hindi ng katawan kundi ng ulo—dahil sa kontrobersyal na talak ni Congressman Bong Suntay.
Nataon pa naman na ipinagdiriwang ang Buwan ng Kababaihan pero wala ata sa isip ni Kong ang okasyon. Kaya sa gitna ng impeachment proceedings sa Kamara, nagbitaw ang kongresista ng isang paghahambing na nakabatay sa kanyang “wild imagination.”
Hindi nakapagtataka kung pinutakti ng batikos mula sa publiko ang kongresista. Halos hindi siya nilubayan sa social media, sunod-sunod ang batikos ng mga netizen at lahat ata ng sektor ay nagpahayag ng pagkadismaya sa asal niya. Ang nakalulungkot, nadamay pa sa puna ang kanyang asawa at mga anak.
Madalas kong marinig noon sa aking lola na kung nakamamatay lamang ang mga salita, marahil ay marami nang nakabaon sa lupa. Sa talim ng mga komento ng netizens nitong mga nakaraang araw, tila ba ibinaon na rin si Suntay—hindi man sa lupa, kundi sa matinding kahihiyan.
May ilang dumepensa sa kongresista. Sabi nila, tila raw nagiging ipokrito ang mga kritiko, dahil lahat naman ay nagkaroon na sa isang punto ng buhay ng hindi kanais-nais na imahinasyon o pagnanasa.
May punto sila dun. Pero anoman ang laman ng iyong isip—mabuti, masama o mahalay man ‘yan —walang pakialam ang iba hangga’t nananatili itong pribado. Iyan ang malaking kaibahan sa nangyari, sa halip kasi na manatiling personal na kaisipan, naisapubliko ni Suntay sa harap ng kamera at ng buong bansa na minsan ay pinagnasaan niya ang kagandahan ni Anne Curtis.
Eto pa, habang mainit na pinag-uusapan ang “mahalay” na imahinasyon ng kongresista, nadagdag pa sa usapan ang isang pangyayari sa Senado. Sa isang pagdinig, nagtanong si Jinggoy Estrada sa isang atleta kung mayroon ba itong nobyong Pilipino. Marami na naman ang nadismaya dahil masyado naman daw personal ang tanong ng senador.
Ayon sa ilang kritiko, hindi ito angkop na tanong para sa isang atletang nais sanang maging naturalized Filipino. Para sa kanila, tila nawawala ang propesyonalismo sa ganitong uri ng pagtatanong.
Hindi maiwasang mapansin ng publiko ang ganitong mga eksena mula sa dalawang kapulungan ng Kongreso. Kaya marahil may ilan na nagbibiro, o baka seryoso na rin, na sa kasalukuyan, ang mga politiko sa Pilipinas, karamihan kung hindi man bastos ay magnanakaw… o kung minsan, pareho.
Teka, napapansin n’yo rin ba? Nalilibang tayo sa kung ano-anong bagong isyu sa social media. Tila nagkakalimutan na naman sa pinaka kasuklam-suklam na usapin na dapat pinag-uusapan – ang flood control funds. Parang lumalamlam na at nawawala na interes ng publiko. May makukulong pa kayang big fish o patuloy lang silang lalangoy sa kayamanan ng bayan? Abangan.
78 