KUNG SINONG WALANG NAITUTULONG, SILA PANG PASAWAY, MAKASARILI

PUNA

MARAMI pa rin sa mga tao ang walang pakialam sa kanilang kapwa at tanging iniisip ang sariling kapakanan.

May mga pasaway na bagaman nasa pagpapatupad ng enhanced community quarantine (ECQ) at social distancing ang pamahalaan ay nagawa pang magpabingo, magpasabong at magpaboksing sa kanilang lugar.

Sana, nanahimik na lang sila sa bahay, nagnilay-nilay sa kanilang mga nagawang kasalanan at baka kaawaan pa sila ng Panginoon sa halip na lumabas ng bahay para lang sa kanilang mga bisyo. Wow! Gagaling naman ninyo.

Kung kayo ay naiinip at nabuburyong sa mga bahay n’yo ganun din kaming mga sumusunod sa panuntunan ng pamahalaan dahil wala naman tayong magagawa kung hindi sumunod dahil hindi naman natin ginusto na magkaroon ng pandemyang Coronavirus disease 2019 o COVID-19.

Si Pangulong Rodrigo Duterte nga mismo na pinakamataas ang posisyon sa bansa ay hindi makauwi sa kanilang bahay sa Davao City matapos hindi siya payagan ng kanyang anak na si Mayor Inday Sara.

Ang Pangulong Duterte ay tao lang din tulad natin at maging siya hindi niya gusto ang nangyayari sa buong mundo lalo sa Pilipinas.

Sino ba namang nilalang sa mundo na basta na lang mananalo sa hindi niya nakikitang kalaban tulad ng COVID-19?

Tama ang sinabi ni Pangulong Duterte na kahit abugado siya hindi niya alam labanan ang COVID-19 kaya nakikinig lang siya sa medical experts.

Mismo ang pinakamakapangyarihang bansa pagdating sa armas panggiyera tulad ng Amerika ay walang magawa sa COVID-19 kaya  marami na ang nagbubuwis ng buhay sa kanila.

Wala rin magawa ang malalakas nilang armas panggiyera dahil hindi naman nila nakikita ang kalaban at kahit gaano silang kayaman bansa ay wala rin silang magawa kundi sumunod din sila sa payo ng mga doktor.

Lahat tayo apektado ng COVID-19 na ito maging ang ating ekonomiya ay nanganganib na bumagsak.

Bakit kamo?

Tulad niyan wala namang makapagtrabaho dahil sa takot natin na baka makapitan tayo ng sakit na ito na hanggang ngayon ay wala pang natutuklasang gamot.

Kung walang trabaho, walang kita at wala ring papasok na buwis sa gobyerno.Kung tatagal pa ang ECQ dahil sa patuloy na dadami ang kaso ng COVID-19, saan pa ngayon kukuha ng pera ang

gobyerno para ibigay sa mga nangangailangan?

Kaya nasabi na ni Pangulong Duterte na kung hindi titigil ang mga pasaway ay maaaring magpatupad ng mas mahigpit na  ECQ.

Magpapakalat na ang pamahalaan ng  pulis at militar para sila na ang magpatupad ng mahigpit na ECQ kaya tingnan natin kung may magawa pa ang mga pasaway.

Isang masakit na katotohanan pa ay may mga pasaway na nakatanggap ng ayuda mula sa pamahalaan na ginamit sa kanilang bisyo tulad ng droga at sugal.

Kaya naman ang mga nakatanggap ng ayudang P5,000 hanggang P8,000 ay pahalagahan ang malasakit ng pamahalaan at makiisa sa ipinatutupad na ECQ dahil sila rin naman ang nakikinabang.

oOo

Habang sumusulat tayo ng kolum na ito ay nakatanggap tayo ng tawag mula sa ating suking mambabasa na taga 27 Serrano St., Marulas, Valenzuela City  at nanghihingi ng tulong dahil wala na raw silang makain.

Hindi raw sapat ang kanilang natanggap na relief goods mula sa lokal na pamahalaan ng Valenzuela.

Hanggang ngayon daw ay hindi pa sila nakakatanggap ng ayuda mula sa DSWD na P5K-P8K.

Paging DSWD Sec. Bautista. Sir, sana matulungan n’yo po sila kawawa naman ang mga kababayan natin.

Ang sinumang gustong magparating ng kanilang tulong ay maaari pong tumawag sa cel# 0977-751-18-40.

Pagpalain po tayo ng Poong Maykapal.

oOo

 

Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email joel2amongo@yahoo.com at operarioj45gmail.com.

366

Related posts

Leave a Comment