LA Tenorio: Tenyente na, Iron Man pa!

UNANG dapat malaman tungkol kay LA Tenorio ay kung talaga bang may nilalang na tulad niya. Nilikha si ‘Tenyente’ ng Panginoon na may taas na 5-talampakan at 9 na pulgada, tumitimbang ng 152 libra, may limang daliri sa bawat kamay, ganoon din sa bawat paa at may kaayaayang ngiti. Mortal at pinagkalooban ng sapat na metal na kailangan ng katawan gaya nating lahat bagamat nakahihigit siya ng bahagya sa atin.

Kapag nabanggit ang pangalang Tenyente LA Tenorio, marami ang inaasahang dapat ­mangyari, ayon sa maraming ­miyembro ng komunidad ng basketbol. Sa hinagap ng marami, siya’y kombinasyon ni HectorCalma, Allan Caidic at Alvin Patrimonio, anila.

Napakahusay ni LA, ­ngunit hindi dapat ka-inggitan ng ­kapuwa niya manlalaro. Sa unang ­pagkakataong magsuot siya ng uniporme ng kanyang koponan sa PBA, maaga na siyang isinama sa listahan ng mga dapat nasa Hall of Fame ng basketbol sa bansa.

Kinuha siya ng San Miguel Beer sa PBA Rookie draft noong 2004 mula sa matagumpay niyang kampanya sa ranggo ng mga amatyur, naglaro din si Tenyente sa Magnolia (Purefoods) at Alaska bago napunta sa popular na Barangay Ginebra.

Labintatlong taon mula nang mapili buhat sa listahan ng rookie at mapanaood dala ang bandila ng Beermen, wala ni isang laro ni Tenyente na hindi siya kasama para maging pangalawa lamang na manlalaro sa kasaysayan ng ligang bayaran na makoronahang Iron Man.

Ang noon ay 34-anyos na point guard ng Gin Kings ay nakitang naglaro ng kanyang ika-597 na walang patlang na presensya sa loob ng palaruan noong 2019 ­Philippine Cup at burahin ang matandang rekord ng dating teammate na si Patrimonio.

Sa Game 5 ng nakaraang best of seven gold medal series sa pagitan ng Ginebra at Talk ‘N Text, kung saan ay napanalunan ng Gin Kings ang titulo ng Philippine Cup, naitala ni Tenorio ang kanyang ika- 663 sunod na laro, pangalawang pinakamahaba sa daigdig, kasunod ng kasalukuyang 1,192 marka ni A.C. Green ng US NBA.

At kung magpapatuloy pa sa paglalaro si Tenyente, na nagdiwang ng kanyang ika-36 taong kaarawan noong Hulyo 9, malamang na mapantayan o malampasan pa niya ang record ni Green dalawang taon mula ngayon kung kailan ay ­magiging 38 anyos na siya.

Ipinangako ng Batangenyong manlalaro buhat sa Nasugbu sa kolumnistang ito na sisikapin niyang magawa ang pambihirang rekord.

Pero alam ba ninyo na ang kahanga-hangang kaganapang ito ay muntik nang di mangyari? Sa isang panayam ng SAKSI ­NGAYON ilang araw matapos niyang magampanan ang pambihirang nagawa niya, ­inamin ni LA na hindi niya pinlanong sumama sa kanyang koponan sa PBA bubble sa New Clark City dahil sa ilang kadahilanang wika niya’y di maiiwasan.

Una, kapapanganak pa lamang ni Chesca, kanyang maybahay, sa kanilang bunsong anak na babae. At pangalawa, isang linggo pa lamang na napasailalim siya sa operasyon sa apendectomy. Udyok lamang ni Chesca, PBA Commissioner Willie Marcial at Ginebra PBA Governor Al Francis “Chualay” Chua ang nakapagbago sa kanyang desisyon.

“Chesca, especially,” ­kumpisal ni LA sa kolumnistang ito. “She told me, ayos na naman ang lahat. Nakapanganak na siya and like ComWillie and coach Al, she said I owe it to both the PBA and Ginebra fans na nandoon ako.”

“She said I don’t need naman to play long as I had been noong healthy ako. My mere presence in the bench would be enough,” ani Tenyente patungkol sa sinabi sa kanya ng kanyang maybahay.

“So iyon, nakonsensya ako at naitanong ko sa sarili ko, bakit pa nga ba ako tinawag na Iron Man kung hindi ko kayang gampanan ang ibig sabihin noon,” ­pangangatwiran ni LA.

Si Lewis Alfred Vasquez Tenorio ay isinilang noong Huly 9, 1984 sa United Doctors Medical Center sa Manila. Pangalawa sa tatlong supling ni Arthur, isang retiradong airport supervisor, at Iluminada Tenorio ng Nasugbu. Panganay niyang kapatid si Annie-Lou, samantalang pinakabata si Lambert, na gaya niya ay naglaro din ng basketbol sa Ateneo.

Bago lumabas ang unica hija niya na bininyagang Therese, ang mag-asawang Tenorio ay may naunang tatlong puro lalakeng supling — Santi, 8; Sian, 7; at Lucas, 3.

Ilang tampok sa kanyang propesyon bilang manlalarong pro: 4× PBA Finals MVP (2010 ­Fiesta, 2016 Governors’, 2017 Governors’), 2020 PBA Best Player of the Conference at 2013 Commissioner’s, 9× PBA All-Star (2009, 2011–2015, 2017–2019), 2× PBA Mythical First Team (2010, 2013), 2× PBA Mythical Second Team (2016, 2017), PBA Most Improved Player (2010), PBA All-Rookie Team (2007), PBA Order of Merit (2017).

175

Related posts

Leave a Comment