Laban hindi pa tapos 21 PATAY SA COVID SA CALOOCAN, 2 SA MALABON

HINDI pa dapat maging kampante ang mamamayan ng Caloocan, Malabon, Navotas, Valenzuela (CAMANAVA) area sa kabila ng pagbaba ng mga kaso ng COVID-19, dahil malinaw na hindi pa tapos ang laban sa coronavirus, ito ay makaraang 23 ang naitalang namatay sa pandemya sa nasabing bahagi ng Metro Manila, batay sa pinakahuling datos ng health offices ng nasabing mga lungsod.

Sumipa sa 1,760 ang total deaths sa lungsod ng Caloocan noong Marso 19 mula 1,739 noong Marso 5, o karagdagang 21 fatalities, habang bumaba naman sa 49 ang active cases mula sa dating 73.

Pumalo na sa 74,972 ang mga tinamaan ng COVID sa siyudad, at sa nasabing bilang ay 73,163 na ang gumaling.

Samantala, ayon sa datos ng Malabon City Health Department noong Marso 19, lumitaw na 25,374 ang confirmed cases sa Malabon, 10 dito ang active cases at 725 ang binawian ng buhay, o karagdagang dalawang namatay mula noong Marso 12. Habang 24,639 ang bilang ng recovered patients.

Umabot naman sa 316,506 o 98.7% ng target population sa Malabon ang nabakunahan ng first dose habang 295,201 o 92% nito ang kumpleto na ang bakuna o fully vaccinated, at 64,194 na ang nakatanggap ng booster dose.

Noon ding Marso 19 ay 13 ang naitalang active COVID cases sa Navotas City makaraang parehong isa ang gumaling at nahawa.  Sumampa na sa 21,093 ang nasapul ng pandemya sa fishing capital, at dito ay 20,441 na ang gumaling at 639 ang namatay.

Hanggang 5 pm naman noong Marso 17 ay 20 ang active cases sa Valenzuela City.  Tumuntong na sa 43,865 ang confirmed cases sa lungsod, at dito ay 42,919 na ang gumaling at 926 ang namatay. (ALAIN AJERO)

138

Related posts

Leave a Comment