MALIBAN sa katawanin ang kani-kanilang bansa sa sports na kanilang lalahukan, ang isang Olympian ay may dagdag na responsibilidad sa pagdadala ng bandila sa tuwing ika-apat na taong palaro sa pagitan ng mga pinaka-mahuhusay na atleta sa 102 miyembro ng International Olympic Committee (IOC).
Ang isang atleta ay maaaring maatasang lumahok sa mga palabas na regular na idinaraos upang ipakilala sa buong mundo ang mayamang kultura ng kanyang bansa, gaya ng pagsasayaw at pag-awit sa saliw ng katutubong musika at iba pang pagkakakilanlan ng bansang kanyang kinakatawan. Isa pang karagdagang tungkulin ng isang Olympian ay ang maging flag bearer ng pambansang delegasyon sa opening at closing ceremonies ng Olimpiyada.
“Bukod sa pagiging Olympian na bihirang makamit ng isang atleta, isa ring napakalaking karangalan ang mapili kang flag bearer ng delegasyon,” pahayag ni Jimmy Mariano, manlalaro ng basketball na napisil na maging flag bearer noong 1972 Summer Olympics na kilala sa tawag na Games of the XX Olympiad at ginanap sa Munich sa Bavaria, West Germany.
“Tunay na ang pagiging Olympian ay isa nang napakalaking karangalan dahil hindi naman lahat ng atleta ay puwedeng maging Olympian.
Ang mapiling flag bearer, para sa akin, ay isang mataas na pagkilala sa pagiging atleta ko,” dagdag ni Mariano.
“Alam mo, habang pumaparada ang national delegation sa pangunguna ko, maluha-luha ako, kasi pakiramdam ko sa napaka-igsing oras na iyon ay hindi lamang dala ko ang ating national tri-colors. ‘I felt the whole nation was on my shoulders.’
“Kaya, although I was trembling in the entire parade of athletes, taas-noo akong nagmartsa. At ganoon na lang ang pasasalamat ko na ako’y nahirang na magdala ng ating bandila.” Ayon pa sa dating “King Warrior” ng University of the East: “For me, that was one of the highest accolade I received as an athlete. Isang alaalang hindi ko malilimutan habang ako’y nabubuhay.”
Kulang dalawang linggo ang nakalilipas, nabigyan ng pagkakataon si rookie Olympian at pole vaulter Ernest John Obiena na maranasan ang naramdaman ni Mariano nang mapili siya ng Philippine Olympic Committee (POC) na maging flag bearer ng bansa sa Tokyo Summer Games.
Subalit agad napawi ang kagalakan ni Obiena nang biglang nabago ang desisyon dahil sa halos araw-araw na pagpapalit ng protokol sa Tokyo upang maiwasan ang paglaganap ng COVID-19, kaya’t ang lahat ng flag bearer ay kailangang nasa pangunahing lungsod na ng Japan 48 oras bago magbukas ang palaro sa Hulyo 23.
Sa kanyang FB account ay ibinahagi ng 25-anyos Pinoy high-flyer ang kanyang saloobin: “I proudly accepted the position to raise the flag of the country I was born and raised in, but there are things that are out of my control. I am greatly disheartened to say the least that I was withdrawn to be the flag-bearer for the 2021 Tokyo Olympics.”
Ayon kay POC president, Congressman Abraham “Bambol” Tolentino, si Obiena ay nakatakdang dumating sa Tokyo sa araw mismo ng opening at bagama’t sinikap niyang ma-rebook ang flight nito mula Formea, Italy kung saan siya naka- base, “Obiena’s travel itinerary can no longer be changed.”
Naintindihan naman ni EJ ang problemang kinakaharap ng POC at nangakong lalaban pa rin siya para sa medalya para sa bansa. “We will still be holding our head high and reppin’ the red, blue and white with pride. Thank you for all your support through this tough time, it’s what keeps me going,” wika ng anak ni pole vault great Emerson at hurdler Jeanette Obiena.
