TARGET ni KA REX CAYANONG
ISA na namang malinaw na babala ang inilabas ng Bureau of Customs (BOC) laban sa kumakalat na mga pekeng solicitation na ginagamit ang pangalan ng kanilang ahensya at ilang opisyal.
Ayon kay BOC Chief Ariel Nepomuceno, may mga tao raw na nanlilinlang at naniningil kapalit ng mabilisang proseso ng shipments o tinatawag na “special treatment.”
Aba’y isa itong bagay na mariing itinanggi ng BOC at tinawag na huwad at mapanlinlang.
Mahalagang bigyang-diin ang paninindigan ng pamunuan ng BOC na hindi kailanman kukunsintihin ang anomang uri ng panunuhol, extortion, o bribery.
Naku, ang malinaw na mensahe ni Nepomuceno ay hindi lamang para sa publiko kundi lalo na sa mga sindikatong patuloy na gumagamit ng pangalan ng kanilang ahensya para sa pansariling kapakinabangan.
Ito ay isang hamon na kailangang tugunan, lalo’t matagal nang kinahaharap ng BOC ang imahe ng katiwalian.
Ang mas masahol pa rito, ang ganitong modus ay hindi lang nanloloko ng mga negosyante at importers, kundi sinisira rin ang kredibilidad ng buong institusyon.
Kapag hindi napigilan ang mga ganitong gawain, nababahiran ng duda ang tiwala ng publiko at mga mangangalakal sa sistema ng kalakalan ng bansa.
Kaya tama lamang na tinutukan agad ng BOC ang isyu at iniutos ang masusing imbestigasyon upang mapanagot ang mga nasa likod nito.
Subalit ang laban kontra pekeng solicitation ay hindi lamang nakasalalay sa ahensya.
Mahalaga ring maging maingat at mapanuri ang publiko, lalo na ang mga negosyanteng direktang nakikisalamuha sa BOC.
Ang mahigpit na pagsunod sa mga regulasyon at tamang proseso ay isa sa mga pinakamabisang paraan upang hindi mabiktima ng mga mapagsamantalang indibidwal.
Dapat ding maging alerto at agad na magsumbong ang sinomang makatatanggap ng kahina-hinalang solicitation gamit ang pangalan ng BOC.
Malinaw na ang integridad ng BOC ay hindi lang responsibilidad ng kanilang lider kundi ng bawat empleyado nito.
At makikita rin na ang malinaw na direktiba ni BOC Chief Nepomuceno ay nagbibigay ng pag-asa na unti-unting mapapawi ang imahe ng katiwalian at palakasin ang tiwala sa kanilang serbisyo.
Ang mabilis at determinadong aksyon laban sa mapanlinlang na mga indibidwal ay magiging sukatan ng kanilang sinseridad sa reporma.
Kailangang maging tuloy-tuloy ang laban na ito. Hindi sapat ang pahayag lamang, kinakailangan ang konkretong hakbang at tunay na resulta.
Kung tunay na mapapanagot ang mga nasa likod nito, magsisilbi itong matibay na babala at makabuluhang tagumpay sa laban ng bansa kontra korupsyon.
89 