Lacson, Hontiveros nagkontrahan MARCOS ‘DI PWEDENG UMEPAL SA BICAM

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

MAGKASALUNGAT ang opinyon nina Senator Risa Hontiveros at Senator-elect Panfilo Lacson sa planong pag-upo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa deliberasyon ng bicameral committee para matiyak na maayos na mailalatag ang budget para sa susunod na taon.

Ayon kay Lacson, maari lamang maging “observer” ang Pangulo pero hindi ito pwedeng sumali sa talakayan.

Kinontra naman ito ni Hontiveros na nagsabing hindi maaaring sumawsaw si Marcos sa deliberasyon ng 2026 national budget.

Paliwanag ni Hontiveros, hindi naaayon sa Konstitusyon kung sasali ang ehekutibo o sino mang miyembro nito sa pagdinig ng pambansang pondo dahil ang nasabing kapangyarihan ay nasa poder ng lehislatura.

“Sapat na ipadala ng executive ang national expenditure program sa House of Representatives. Mula noon, nasa kamay na ng lehislatura at nasa kamay lang natin,” ani Hontiveros.

Aniya, magkakaroon lamang muli ng tungkulin ang Office of the President matapos mabuo ng Kongreso ang isang pinagsama-samang bicameral conference committee report sa panukalang badyet.

Sa huli, ang Pangulo ang magdedesisyon kung lalagdaan ang panukalang pambansang badyet o magpapatupad ng line-item veto.

Nauna rito, sinabi ni Budget Secretary Amenah Pangandaman na handa si Pangulong Marcos at kung kailangan ang presensya niya ay uupo siya sa bicameral conference committee.

Ayon umano sa Pangulo, kailangang maupuan sa simula pa lamang ng paglalatag ng priority projects na popondohan para matiyak na naaayon sa mga prayoridad ng gobyerno ang ipapasang panukalang pambansang badyet at tanging ang mahahalagang proyekto ang maisasama sa mapopondohan.

Nakatakdang magpulong ang Development Budget Coordination Committee (DBCC) sa Lunes para isapinal ang budget ceiling, batay sa revenue projections mula sa Department of Finance (DOF), Bureau of Internal Revenue, at Bureau of Customs.

71

Related posts

Leave a Comment