Tumitindi ang bangayan ng dalawang mambabatas ng Mataas na Kapulungan ng Kongreso at House of Representative dahil sa insertion umano ng 2020 budget na pinag-aawayan ngayon ng dalawang law maker.
“Kung isip bata dahil nagbabantay sa budget, eh ‘di isip bata, kaysa naman isip matanda nga pero nagnanakaw naman sila sa pondo ng gobyerno, so isip bata na ako.”
Ito ang sagot ni Senator Panfilo Lacson matapos siyang tawaging “isip bata ni Capiz Congressman Fredinel Castro kasunod ng paratang ng senador na may ipapasok na pork barrel funding sa 2020 proposed budget.
Ayon naman kay Castro, dapat umanong humingi ng paumanhin si Lacson dahil sa paninira nito sa reputasyon ng Mababang Kapulungan ng Kongreso. Subalit ipinahayag ni Lacson na kung may dapat mag-sorry ay walang iba kundi ang mga kongresista na walang hinto sa pag-abuso sa pondo ng bayan.
“Kanino ako magso-sorry, eh ako nag-scrutinize, nagbabatay sa budget ng Pilipinas, so kung may dapat mag-apologize, mag-sorry, siguro ‘yang mga congressman na talagang walang tigil at wala na ring kahihiyan na abusuhin ang budget,” dagdag na pahayag ng senador.
Buwelta naman ni Castro na iresponsable ang mga pahayag ni Lacson at hinamon pang ilabas ang source ng kanyang impormasyon, pero tumanggi si Lacson na sabihin ang kanyang soucre na pawang mga kongresista.
Ayon pa kay Lacson, hindi umano siya lumapit sa kanyang mga source kundi mismong ang mga kongresista ang nagboluntaryo na magbigay sa kanya ng mga impormasyon hinggil sa pork insertion sa national budget.
“Nagbo-volunteer magbigay ng information minsan hindi ko hinihingi ang information because they know I am committed to protect the identities ng sources. This should not be an exception,” paghuling sambit ng senador.
Well, kung ako ang tatanungin, mabuti na lang at may isang senador na matapang na magsiwalat ng mga kalokohang pinaggagawa ng ilang kongresita diyan sa House of Representative. Biruin mo naman kung hindi na-expose ni Lacson ang insertion sa national budget, tiba-tiba na naman ang mga buwaya, este mga congressmen.
oOo
Subaybayan araw-araw ang aking programang LATIGO NI BATUIGAS sa Facebook live LATIGO NEWS TV at Youtube channel LATIGO ONLINE NATIONWIDE NEWS TV. (Hagupit ni Batuigas / MARIO B. BATUIGAS)
