HINILING ni Senador Panfilo Lacson kay Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Wilkins Villanueva na sirain na ang lahat ng mga nakaimbak na droga sa kanilang tanggapan.
Sa budget hearing sa Senado, sinabi ni Villanueva na nasa 2.1 toneladang droga ang kanilang winasak noong Agosto at sa Nobyembre ay mayroon pa silang 300 kilo na susunugin na bahagi ng nasabat na droga sa magnetic lifter sa Cavite.
“Between now and November… you have enough time to destroy some more. I hope kaya bang i-zero ito? Maiwan na lang gramo-gramo. Pagbalik namin ng November, maski sinong magtanong, ‘Ah wala na kaming imbentaryo, ‘yung nahuli lang kahapon ang nasa imbentaryo namin,” diin ni Lacson.
Samantala, tiniyak ni Villanueva ang kanilang mahigpit na polisiya laban sa recycling ng droga.
“Talagang mahigpit tayo. Ang PDEA is mahigpit talaga right now sa recycling. Kahit yung tsismis lang ng recycling, Mr. Chair, eh talagang pinu-pursue natin ang information,” diin ni Villanueva.
Kasabay nito, iniulat ng PDEA na 1,121 high value target ang kanilang naaresto sa unang pitong buwan ng taon na kinabibilangan ng 33 elected officials, 11 uniformed personnel, 54 government employees, 16 Drug group leaders/members, isang Armed group member, isang Celebrity/prominent personality, 29 Wanted-listed, 364 Target-listed, 108 drug den maintainers at 447 mula sa high-impact operations.
Nasa 19,876 barangays na rin anya ang idineklara nilang drug-clear. (DANG SAMSON-GARCIA)
253
