MISTULANG nagbabala si Senador Panfilo “Ping” Lacson sa mga ahensya ng gobyerno hinggil sa mabagal na implementasyon ng Bayanihan Act partikular ang pagbibigay ng P5,000 hanggang P8,000 ayuda sa mga pamilyang apektado ng lockdown.
Iginiit ni Lacson na kailangang kumilos ang gobyerno upang agad mailabas ang ayuda at maiwasan ang problema sa pagkagutom sa bansa.
“If the executive does not act with dispatch, we may have a serious social problem to face. As the old adage says, a hungry stomach knows no law,” saad ni Lacson.
Ipinaalala ng senador na inaprubahan ang batas noong March 24 at na-publish kinabukasan kaya’t dapat itong agad na maipatupad.
Sa mga panahong ito aniya ay dapat nagsisimula na ang pamamahagi ng dole-outs sa mahigit 18 milyong pamilya subalit nakatatanggap aniya siya ng report partikular sa Isabela na halos wala nang makain ang mga tao.
Aminado naman ang senador na dahil sa kawalan ng national database, kailangang umasa ang lahat sa datos mula sa mga lokal na pamahalaan.
Sinabi naman ni Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III na matapos ang pagsasabatas ng Bayanihan Act, nasa kamay na ng mga lokal na pamahalaan ang implementasyon nito.
Ipinaalala rin ni Sotto na maaaring mapanagot ang mga lokal na opisyal na hindi kikilos sa panahon ng krisis. (Dang Samson-Garcia)
