LAGING LAST TWO MINUTES ANG KONGRESO

NAGTATAKA ako sa dalawang kapulungan dahil kung kailan papalapit ang pagtatapos ng isang “Congress” ay saka sila magpapasa ng sangkaterbang panukalang batas na puwede naman nilang gawin noong kalagitnaan para masiguro na maging batas.

Ang 18th Congress ngayon ay matatapos sa Hunyo 30, 2022 at magsisimula naman ang 19th Congress sa ilalim ng susunod na pangulo ng bansa hanggang sa Hunyo 30, 2025.

Tatlong taon ang isang ­”congress” kaya ang haba ng panahon ng mga senador at ­congressmen para talakayin at ipasa agad ang mga panukalang batas na kailangan ng bansa.

Pero ang nangyayari, kung kailan papatapos ang isang ­congress ay saka pagtitibayin ang mga panukala kaya ­maraming naipapasa na hindi nagiging batas at ang katuwiran ay naubusan ng oras.

Talagang mauubusan ng oras ang mga panukalang batas na naipasa ngayong 18th ­Congress dahil magbabakasyon sila mula December 15 hanggang sa ikalawang linggo ng Enero 2022.

Agad din silang magbe-break dahil sa Pebrero 8, 2022 ay magsisimula na ang opisyal na kampanya ng national candidates o mga kandidato sa pagkapangulo, pangalawang pangulo, senatorial at party-lists.

Babalik sila pagkatapos ng eleksyon sa Mayo 2022 para sa canvassing of votes ng presidential at vice presidential candidates at matapos iproklama ang mga nananalo ay tatapusin na ang 18th Congress.

Kaya ‘yung mga naipapasang panukala ngayon, may duda ako na hindi magiging batas dahil wala nang sapat na panahon ang mga senador at congressman para sa kanilang Bicameral Conference Committee meeting.

Kung sineryoso lang ng mga senador at congressman ang pagtatrabaho at ipinasa ang mga panukalang ito sa gitna ng 18th Congress ay malamang na maging batas ang mga ito.

Sapat na siguro ang isa’t kalahating taon para talakayin ang isang panukala sa committee level pero nagtataka ako kung bakit kailangang paabutin iyan nang mahigit dalawang taon bago ipasa.

Para tuloy pinapaasa lang ng mga senador at congressman ang mga sektor o taumbayan na umaasa at makikinabang sa panukalang batas na kanilang ipinapasa sa huling bahagi ng ­Kongreso.

Laging last two ­minutes kung umaksyon.

154

Related posts

Leave a Comment