SINIMULAN na ang mga hakbang na naglalayong paunlarin ang kabuhayan ng mga residente at maging ng mismong Lawa ng Laguna sa bahagi ng Taguig City.
Ito ay matapos lagdaan kahapon ang Memorandum of Agreement sa pagitan ng Taguig City LGU, Department of Agriculture, Bureau of Soils and Water Management at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources o BFAR.
Ang MOA ay nilagdaan nina Congresswoman Lani Cayetano, Congressman Alan Peter Cayetano, Mayor Lino Cayetano, DA Usec. Cheryll Marie Caballero, BWSM Dir. Sonia Salguerro at Juan Albaladejo, Asst. Director for Operations ng BFAR.
Sinabi ni Dir. Sonia Salguerro ng DA Bureau of Soils and Water Management na nais nilang maisagawa kaagad ang kauna-unahang proyekto na magpapaunlad sa Laguna Lake.
Sa panayam ng SAKSI Ngayon, sinabi ni Cayetano na ang mga nakatakdang proyekto sa Laguna Lake na may magandang epekto sa buong Metro Manila ay ang Urban Farm Institute kung saan maaaring mag-aral ng pagtatanim ang mga urban dweller, pangalawa ang Farmer and Fisherfolks Welfare kung saan tinutulungan naman ang 64 na rehistradong magsasaka at 906 fishermen ng lungsod sa pamamagitan ng pagbibigay ng schoolarship sa kanilang mga anak at ang panghuli ay Agri-Economic Hubs kung saan nakikipag-partner ang LGU sa mga palengke.
Samantala, tiniyak ni Director Salguerro sa LGU na susuportahan nila ang mga proyektong ilulunsad sa Laguna Lake sa ilalim ng Facility and Ensuring Clean Water and Sustainable Land Management.
Umaasa siyang sa maikling panahon ay maisasagawa kaagad ang proyekto at matatapos ng Abril na kauna-unahanan umano nilang gagawin. (DAVE MEDINA)
