LAHATIN NA ‘YAN!

SA gitna ng pagdadalamhati ng mga kaanak na nawalan ng padre de pamilya, nakalulungkot marinig sa isang Pangulo ang pahayag na tila pahiwatig ng proteksyon sa malalaking personalidad na idinadawit sa kontrobersyal na pagkawala ng 34 kataong magkakahiwalay na dinukot sa Maynila, Bulacan, Laguna, Rizal at Quezon.

Bagama’t may mga taong sinampahan na ng kasong kriminal ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa piskalya, higit na angkop pa rin matunton at managot ang mga utak na tila inabswelto ng Pangulo.

Ayon sa Pangulo, walang kinalaman ang mga nagpapatakbo ng e-sabong sa mga kaganapan sa labas ng ruweda kung saan naglalaslasan ng lalamunan ang mga manok na panabong. Pero teka, nagkaroon din ba ng sariling imbestigasyon ang Palasyo?

Sa isinasagawang pagdinig ng Senado, lumutang ang iba pang pangalan bukod kay Atong Ang na isinalang sa Senate inquiry. Higit pa kay Atong Ang ang dapat busisiin.

Mas magiging patas kung ang malalaking pangalang inilaglag si Ang, isama sa isinasagawang imbestigasyon ng Philippine National Police (PNP), National Bureau of Investigation (NBI) at ng Kongreso.

Bakit nga naman kasi hindi yata saklaw ng imbestigasyon ang iba pang e-sabong operators tulad nina Bong Pineda ng Pampanga, isang Congressman Teves, former Rep. Patrick Antonio, isang Mayor Elan Nagano at ang dating PNP chief General Camilo Cascolan na pawang pasok sa negosyong e-sabong?

Ang totoo, hindi birong halaga ang umiikot sa palarong e-sabong. Sa pag-amin ni Ang, bilyon ang arawang perang pinag-uusapan.

Ang tanong lang – paano mag-iimbestiga ang PNP kung ang isa sa mga itinuturong sangkot sa palarong e-sabong ay dati nilang among si Cascolan? Gayundin sa iba pang lumutang na pangalang hindi lang lamang sa yaman kundi lintek din ang koneksyon sa pamahalaan tulad ni Bong Pineda, Teves, Antonio at Nagano.

Pati ang manipis na pag-asa ng pamilya ng mga nawawalang sabungero, tuluyang gumuho makaraang magpasaring ang Pangulo na posibleng patay na ang 34 kataong dinukot sa iba’t ibang lugar sa paniwalang sangkot sa game-fixing sa makabagong sugal na kinahuhumalingan ng mga tao – ang e-sabong.

Kumbinsido rin ang Pangulo na sangkot ang mga biktima sa sindikatong nasa likod ng game-fixing – sapat na dahilan para palawakin ang imbestigasyong nakatuon lang sa mga pipitsuging amuyong na ang tanging trabaho ay sumunod sa utos ng kanilang amo.

Hindi sapat na tabasin ang talahib. Ang dapat, bunutin ang ugat.

339

Related posts

Leave a Comment