LALAKI ARESTADO SA PANGINGIKIL SA DATING ASAWA

ARESTADO ang isang lalaki matapos maaktuhang tumatanggap ng pera mula sa kanyang dating asawa kapalit ng hindi umano nito pananakit sa isinagawang entrapment operation sa loob ng isang kilalang fast food chain sa Bacoor City, Cavite, Huwebes ng hapon.

Nahaharap sa kasong extortion ang suspek na kinilalang si alyas “Ronuel,” batay sa reklamong inihain ng kanyang dating asawa.

Ayon sa imbestigasyon, nagsumbong ang biktima sa pulisya na palagi umano siyang inaabuso ng suspek. Hinihingan din umano siya nito ng P80,000 bilang kabayaran sa isang nasirang painting at kapalit ng hindi na pananakit sa kanya. Pinagbantaan din umano siya ng suspek na papatayin kung hindi magbibigay ng hinihinging pera.

Dahil dito, nakipag-ugnayan ang biktima sa Bacoor Component City Police Station na agad nagkasa ng entrapment operation.

Nagkita ang biktima at ang suspek sa loob ng isang fast food chain sa Barangay Niog, Bacoor City, dakong alas-5:45 ng hapon, kung saan inaresto ang suspek matapos tanggapin ang marked money.

Narekober mula sa suspek ang 79 piraso ng boodle money at isang cellphone na may SIM card.

(SIGFRED ADSUARA)

78

Related posts

Leave a Comment