LALAKI KINUYOG NG 6, 1 SUSPEK ARESTADO

CAVITE – Pinaghahanap ng Cavite Police ang lima sa anim na mga suspek makaraang kuyugin ang isang 24-anyos na lalaki upang ipaghiganti ang umano’y pagkamatay ng kanilang kaibigan sa Bacoor City noong Biyernes ng hapon.

Kinilala ang mga pinaghahanap na sina Christian Esteban, Greg Mallari, Dither Clemente, Cocoy Clemente, at Syden Enriquez habang naaresto naman si Michael Cabilles, 20, makaraang ireklamo ng biktimang si Laurence Marquez, 24-anyos.

Ayon sa reklamo ng biktima kay P/SSgt. Emerson De Ocampo ng Bacoor City Police Station, dakong alas-4:00 noong Biyernes ng hapon nang pagtulungang bugbugin ang biktima ng mga suspek sa Brgy. Mambog 2, Bacoor City saka mabilis na tumakas.

Bagama’t sugatan at maraming pasa sa katawan, nakahingi ng tulong ang biktima sa kanilang barangay kung saan sa isinagawang follow-up operation nina Jessie Pulga, 45, at Giron Herrera, 51, kapwa tanod ng Brgy. Mambong 2, ay naaresto si Cabilles.

Isinugod sa isang ospital sa Bacoor City ang biktima ngunit dahil maraming pasyente ng COVID ay inilipat sa Southern Tagalog Memorial Hospital subalit pinalabas din ito dahil halos puno na rin ng mga pasyenteng may COVID.

Ayon kay De Ocampo, itinuturo umano ng mga suspek ang biktima na siyang dahilan ng pagkamatay ng isa nilang kaibigan kaya gumanti ang mga ito.

Ang biktima at sinasabing kaibigan ng mga suspek ay mga tauhan umano sa isang farm. (SIGFRED ADSUARA)

294

Related posts

Leave a Comment