CAVITE – Patay ang isang lalaki nang resbakan ng isang rider matapos pagalitan umano nito ang trabahador ng suspek sa Dasmariñas City nitong Lunes ng madaling araw.
Pinaghahanap ng pulisya ang suspek na si alyas “Glen” dahil sa pagpatay sa biktimang si alyas “Erwin”.
Ayon sa ulat, bandang ala-1:40 kahapon ng madaling araw nang mangyari ang insidente sa Brgy. Paliparan 1, Dasmariñas City, kung saan kapwa binabagtas ng biktima at suspek ang nasabing lugar sakay ang kanilang motorsiklo.
Pagsapit sa pinangyarihan ng insidente, pinagbabaril ng suspek ang biktima dahilan ng pagkahulog nito mula sa kanyang motorsiklo at agad namatay.
Matapos ang insidente, tumakas ang suspek sa direksiyon ng Governor’s Drive sa Brgy. Paliparan.
Nabatid sa imbestigasyon, bago ang pamamaril, nagkaroon umano ng mainitang pagtatalo ang biktima at suspek matapos pagalitan ng una ang isang trabahador ng huli.
(SIGFRED ADSUARA)
