ZAMBOANGA DEL SUR – Arestado ang isang miyembro ng potential armed group (PAG) at nakumpiskahan ng dalawang baril at pampasabog sa isinagawang operasyon ng Criminal Investigation ang Detection Group noong Sabado sa bayan ng Bayog, sa lalawigan.
Ayon sa ulat, isinagawa ng operasyon ng CIDG Zamboanga Field Unit laban sa suspek na kinilalang si alyas “Junrel”, miyembro ng isang potential PAG na ginagamit umano ng isang politiko sa lugar.
Ayon kay CIDG Director Police major General Nicolas Torre III, sa bisa ng search warrant sa paglabag sa RA 10591 o illegal possession of firearms, pinasok ng mga awtoridad ang bahay ng suspek sa Barangay Liba sa bayan ng Bayog kung saan nakumpiska ang isang M16 rifle at isang .45 kalibreng baril na kargado ng magazine at bala, gayundin ang isang granada.
Kaagad hinuli ang suspek nang walang maipakitang kaukulang dokumento sa pag-iingat ng mga baril at granada.
Sinabi ni Torre, ito ay bahagi ng direktiba ni PNP chief, General Rommel Francisco Marbil na paigtingin ang operasyon laban sa loose firearms at private armed groups na sangkot sa gun for hire activities.
(TOTO NABAJA)
