LALAKI PINAPUTUKAN SA HARAP NG TINDAHAN

baril

CAVITE – Inoobserbahan sa ospital ang isang 38-anyos na lalaki makaraang pagbabarilin habang nakaupo sa harapan ng kanyang tindahan sa Gen. Trias City nitong Huwebes ng madaling araw.

Unang isinugod sa Divine Grace Medical Center ngunit inilipat sa Tanza Specialist Hospital ang biktimang si Lumabu Bansil Abduladziz dahil sa tama ng bala sa katawan.

Inaalam pa ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng suspek na sakay sa isang motorsiklo na tumakas matapos ang pamamaril.

Ayon sa ulat, nakaupo ang biktima sa harap ng kanyang tindahan sa Arnaldo Highway, Brgy. Sta. Clara, Gen. Trias City, Cavite nang pagbabarilin ng suspek bandang ala-1:48 ng madaling araw.

Bago ang pamamaril sa biktima, tumigil ang mga suspek na magkaangkas sa motorsiklo, para magpakarga ng gasolina sa Fuel Force gasoline station sa Brgy. Sta. Clara.

Pagkaraan ay bumaba sa sasakyan ang isa sa mga suspek at tumawid sa kalsada patungo sa direksyon ng biktima at pinagbabaril ito habang nakaupo sa kanyang tindahan.

Matapos ang pamamaril, sumakay ang suspek sa motorsiklo ng kanyang kasama at tumakas patungo sa direksyon ng Tanza.

Nagsasagawa ng backtracking sa CCTV ang mga awtoridad para sa pagkakakilanlan ng mga suspek.

(SIGFRED ADSUARA)

41

Related posts

Leave a Comment