LAGUNA – Bumulagtang walang buhay ang isang truck helper makaraang pasukin sa kanyang bahay ng isa sa dalawang lalaking lulan ng SUV, sa Barangay Bitin, sa bayan ng Bay, noong Miyerkoles ng gabi.
Kinilala ang biktima sa pangalang Eugene, 34-anyos, ng nasabing lugar.
Base sa inisyal na imbestigasyon, bandang alas-9:15 ng gabi, nasa loob ng kanyang bahay ang biktima at naghahanda nang matulog, nang bigla na lamang pumasok ang isa sa mga suspek na nakasuot ng itim na pantalon at pulang jacket, at dalawang beses itong pinaputukan.
Ang isa pang lalaki na nakasuot naman ng puting T-shirt, ay nagsilbing lookout sa krimen.
Agad nalagutan ng hininga sa pinangyarihan ng krimen ang biktima.
Mabilis namang tumakas ang mga suspek patungo sa direksyon ng Sto. Tomas, Batangas, sakay ng isang itim na Ford Everest.
Nangangalap pa ng kuha ng CCTV sa lugar ang mga awtoridad para matukoy ang nagmamay-ari ng sasakyan at para sa pagkakakilanlan ng mga suspek.
(NILOU DEL CARMEN)
