KALMADO, CREDIBLE 2025 POLLS PANAWAGAN SA MGA KANDIDATO

NANAWAGAN ang Malakanyang sa mga lokal na kandidato sa nalalapit na May 12 elections na maging kalmado at panatilihin na maayos ang pangangampanya.

Ang panawagan ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro ay bago pa magsimula ang campaign period para sa mga lokal na kandidato sa Marso 28.

Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Castro na umaasa ang pamahalaan ng isang kapani-paniwalang 2025 elections, isinaalang-alang na rito ang pagbaba ng mga lugar na nahaharap sa poll-related threats.

“Tayo po ay iyan din ang ninanais ng administrasyon. Makipagtulungan tayo sa lahat ng ahensiya para po magkaroon tayo, especially sa election, maging credible po ang mangyayaring election sa susunod na May 2025,” ang sinabi ni Castro.

“Ang nais lamang po natin ay maging mahinahon sa kanilang pangangampanya, maging maayos, maging makatotohanan sa kanilang mga sasabihin. Huwag po sana silang magsagawa ng ano mang pananalita na magke-create pa ng kaguluhan,” dagdag na wika nito.

Ang bilang ng mga lugar na nasa ilalim ng ‘red category’ o may seryosong pagbabanta ng election-related violence ay bumaba mula 38 ay naging 36, ayon sa pinakabagong data mula sa Commission on Elections (Comelec).

Ang mga lugar na nasa ilalim ng red category ay kinabibilangan ng 30 mula sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, dalawa sa Negros Island Region, at tig-isa sa Northern Mindanao, Eastern Visayas, Bicol Region, at Cagayan Valley.

Gayunman, inaasahan ng Comelec ang pagtaas ng election-related incidents, kapag nagsimula na ang campaign period para sa mga lokal na kandidato.

(CHRISTIAN DALE)

52

Related posts

Leave a Comment