CAVITE – Hinihinalang nalunod dahil sa kalasingan ang isang lalaki na natagpuang patay sa kanal ng isang irigasyon, makaraang maglakad pauwi matapos nakipag-inuman sa Gen. Trias City noong Martes ng hapon.
Pinaniniwalaang may isang araw nang patay ang biktimang si alyas “Ruben”, na natagpuang nakalutang sa kanal ng isang irigasyon sa Talon Irrigation Canal sa Sitio Manggahan, Brgy. Pasong Camachile 1, Gen Trias City, Cavite.
Ayon sa ulat, huling nakitang buhay ang biktima habang nakikipag-inuman sa mga kaibigan noong Lunes ng gabi at bandang alas-9:00 ng gabi nang makitang naglalakad pauwi sa kanilang bahay, gayunman nalaman na hindi ito nakauwi sa kanila.
Nagtulong-tulong ang mga kaibigan na hanapin ito subalit hindi natagpuang hanggang sa naisipan nila na magpakawala ng tubig sa irigasyon.
At nang mabawasan ang tubig sa irigasyon ay natagpuan nila ang bangkay ng biktima dakong alas-3:30 ng hapon na nakalutang sa malalim na bahagi ng kanal malapit sa concrete spillway.
Nagsasagawa ng awtopsiya sa bangkay ng biktima upang malaman ang dahilan ng pagkamatay nito.
(SIGFRED ADSUARA)
2
