QUEZON – Paglalamayan na rin ang isang lalaking nakikipaglamay lamang sa pinaslang na kaibigan na isang barangay official, matapos ratratin ng hindi kilalang mga suspek ang pinaglalamayang lugar sa bayan ng Sariaya sa lalawigang ito, noong Sabado ng gabi.
Dead on the spot ang biktimang si Mark Ellizer Magsino, 34, taga Brgy. Sampaguita, Lipa City, Batangas habang sugatan si Leo Mendoza, residente ng Barangay Bolbok sa nasabi ring lungsod.
Batay sa report ng Sariaya Police, bandang alas-11:30 ng gabi, naglalaro ng baraha ang mga biktima sa isang lamesa sa lamay ng pinaslang na barangay kagawad na si Apolinario Rivarez sa Bignay 2, Sariaya, nang dumating ang suspek na lulan ng motorsiklo.
Bigla na lamang pinagbabaril ng mga suspek ang biktima na agad nitong ikinamatay.
Tinamaan naman sa mukha ang katabi nito na si Mendoza na isinugod sa ospital sa Lucena City.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel William Angway, hepe ng Sariaya Municipal Police Station, posibleng may kinalaman sa pagkamatay ng pinaglalamayang barangay kagawad na si Apolinario Rivarez, ang nangyaring krimen.
Si Rivarez ay pinagbabaril din ng hindi kilalang suspek noong Martes ng gabi habang nakaupo sa loob ng kanilang bahay sa naturang barangay.
Ayon kay Col. Angway, may tinitingnan na silang anggulo sa pagkamatay ni Rivarez at may ‘person of interest’ na rin. (NILOU DEL CARMEN)
161 