PINURI ni Bureau of Customs (BOC) Commissioner Rey Leonardo Guerrero ang labinglimang collection districts matapos lumagpas ang koleksyon ng mga ito sa 2021 mid-year collection target (Enero hanggang Hunyo) ng ahensiya.
Ang naturang magandang koleksiyon ay ebidensiyang epektibo ang pamumuno ni Guerrero sa BOC mula noong 2018.
Kabilang sa mga ito ay ang Port of San Fernando na nakakolekta ng P2.39 bilyon kung saan ang lampas sa target nito ay P49 milyon.
Port of Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na P18.54 bilyon ang nakolekta at P63 milyon ang sobra.
Umabot naman sa P1.53 bilyon ang nakolekta ng Port of Iloilo kung saan nilampasan ng P164 milyon ang target.
Nakakolekta ng P17.12 bilyon ang Port of Cagayan de Oro na may labis na P110 milyon.
Pumalo naman sa P337 milyon ang sobrang koleksyon ng Port of Subic na P19.09 bilyon.
Port of Batangas ay P65.08 bilyon ang kinita na lumabis ng P206 milyon.
Ang Port of Tacloban naman ay P2.93 bilyon ang koleksyon na may sobrang P40 milyon.
Nakakolekta ang Port of Zamboanga ng P2.98 bilyon at P49 milyon ang sobra nito.
Pumalo sa P892 milyon ang pumasok sa Port of Clark kung saan ang sobra rito ay P101 milyon.
Nakakuha naman ang Manila International Container Port ng P76.2 bilyon na P774 milyon ang lampas sa target nito.
Ang Port of Legazpi ay P188 milyon ang koleksyon na P6 milyon ang lampas sa tudla nito.
Port of Surigao ay P23.39 milyon na P5 milyon ang sobra.
Nakakolekta ang Port of Davao ng P18.65 bilyon na may sobrang P269 milyon.
Ang Port of Aparri ay nakakolekta ng P240 milyon na lumampas ng P19 milyon mula sa tudla nito.
Ang mga nabanggit na collection districts ay nakapag-ambag sa kabuuang koleksyon ng BOC para sa kalagitnaan ng kasalukuyang taon na P302.744 bilyon.
Dahil dito, nakakolekta ang BOC ng P49.653 bilyong sobrang koleksiyon sa taget nito sa kalagitnaan ng 2021.
Sa 17 collection districts ng BOC, tanging Port of Manila at Port of Cebu ang hindi lumampas sa kani-kanilang target ang nakolekta.
Bagamat hindi 100% porsyentong kasama ang 17 collection districts sa mga lumampas sa target ang nakolekta mula Enero hanggang Hunyo, natuwa pa rin si Commissioner Guerrero dahil 15 ang nakakolekta nang higit sa inaasahan sa napakaraming distrito ng BOC. (Boy Anacta)
