LAND GRABBING PINAIIMBESTIGAHAN SA KAMARA

PINAIIMBESTIGAHAN ni 5th District, Negros Occidental Representative Ma. Lourdes T. Arroyo sa Kamara ang land grabbing at pang-aabuso ng mga lokal na pamahalaan lalung-lalo na ang Municipal/City Treasurer’s Office gamit ang isyu ng tax delinquency.

Kasunod ito ng mga reklamong natatanggap ni Arroyo mula sa ilang land owners na nawalan ng karapatan sa kanilang pag-aaring lupa dahil lamang sa kakaunting pagkakautang sa local real property tax.

Sa House Resolution 1653 na inihain ni Arroyo, hiniling nito sa House Committee on Local Government na magsagawa ng House inquiry in aid of legislation sa mga katiwalian, pang-aabuso at umano’y sabwatan ng ilang local officials sa mga ari-arian na kanilang pinag-iinteresan.

Partikular na tinukoy ni Arroyo sa kanyang resolusyon ang ilang bilang ng mamamayan na biktima ng ganitong uri ng katiwalian sa mga syudad at munisipalidad ng Muntinlupa, Quezon City, Caloocan, at iba pang LGUs.

Modus umano ng mga ito na huwag ipaalam o sadyang hindi matanggap ng mga may-ari ng lupa ang mga notice na may pagkakautang silang buwis kaya magugulat na lamang ang mga ito na naisubasta na ang kanilang pinaghirapang ari-arian at mayroon na itong ibang nagmamay-ari.

“Ang masakit pa, pinalalabas umano na natatanggap nang maayos ng mga may-ari ng lupa ang tax delinquency notice, foreclosures, at tax deliquency sales, subalit ang katotohanan ay wala namang valid service notice,” ani Rep. Arroyo.

Sinabi pa ng mambabatas na dahil napapalabas nila na hindi interesadong magbayad ang mga nagmamay-ari na may local RPT, dito nila iaalok sa mga kasabwat na bidder ang property sa napakababang halaga na napakalayo sa itinatakdang fair market value.

Tinukoy rin ni Arroyo sa kanyang resolusyon na kailangang maimbestigahan ang procedures na ipinatutupad ng mga lokal na pamahalaan upang tiyakin ang proteksyon ng mga nagmamay-ari ng lupa at tahanan mula sa mga tiwaling indibidwal at tiwaling opisyal ng pamahalaan. (CESAR BARQUILLA)

162

Related posts

Leave a Comment