LAW ENFORCEMENT OPS NAUWI SA BARILAN; 2 PATAY, 3 SUGATAN

MAGUINDANAO DEL NORTE – Nauwi sa madugong sagupaan ang ikinasang joint law enforcement operation nang manlaban ang target ng warrant of arrest na ikinamatay nito at ikinasugat ng tatlo sa panig ng pamahalaan kabilang ang dalawang kasapi ng Philippine Marines sa bayan ng Odin Sinsuat sa lalawigan noong Miyerkoles.

Ayon sa ulat, bandang alas-5:00 ng umaga ay tinangkang magsilbi ng warrant of arrest ang pinagsanib na pwersa ng Philippine National Police at Philippine Marines subalit sa halip na sumuko nang buhay ay lumaban ang target at isang kasamahan nito kaya humantong sa engkwentro sa Sitio Lalaog, Semba Village sa Datu Odin Sinsuat.

Ayon kay Police Lt. Colonel Jopy Ventura, spokesperson ng Police Regional Office Bangsamoro Autonomous Region (PROBAR), pakay ng law enforcement operation ang isang Samsudin Usman alyas “Sammy at “Krega”, dahil sa kasong murder, illegal firearms possession, at resistance and disobedience to a person in authority.

Subalit bago pa tuluyang makalapit ang mga pulis at marines sa bahay ni Usman ay sinalubong na sila ng sunod-sunod na putok kaya napilitang gumanti ang mga awtoridad.

Dead on the spot si Usman habang malubha namang nasugatan ang kasamahan nitong si alyas “Piong”, subalit nalagutan din ng hininga habang nilalapatan ng lunas sa pagamutan.

Habang isa pang kasamahan nito na kinilalang si Barry Usman ang nadakip sa encounter site.

Sugatan naman sa sagupaan sina Police Capt. Sammy Paning, deputy chief ng Datu Odin Sinsuat Municipal Police Station; Corporal Marson Quijano, at Private Alex Bajoyo, kapwa kasapi ng Marine Battalion Landing Team (MBLT) 5.

Nakuha sa mga suspek ang isang Bushmaster rifle, magazine, handheld radio, at 10 heat-sealed sachets ng hinihinalang crystal meth o shabu na may street value na P34,000.

Nabawi naman kay Barry Usman ang isang M16 rifle, isang caliber .45 pistol, magazines, at isang airsoft rifle, at dalawang heat-sealed sachets ng hinihinalang shabu.

(JESSE RUIZ)

64

Related posts

Leave a Comment