HINDI lamang mga sasakyan ang natatrapik sa EDSA. Kahit ang pangako ng pagbabago ay 40 taon nang natrapik. Nanatili pa rin ang political dynasties. Lumawak pa nga at mas dumami pa ang mga ito. Lumala ang korupsyon sa pamahalaan at kahirapan ng masa. Kahit sa paggunita ng EDSA revolution, mismong mga organizer na ang nagsasabi ng mga kondisyon, ano ang pwede at hindi. Bawal ang “Resign Marcos” na panawagan pero tahimik naman sila kung bawal ang “Impeach Sara”. Panagutin daw lahat ng korap pero hindi matukoy sino ang dapat isama sa “lahat”.
May binigyan ng permit mag-rally, meron naman hindi. Dati ang EDSA ay simbolo ng pagkakaisa. Sabi nga ng kanta noon “MAGKAISA”. Pero ngayon, dahil sa mga pahayag ng mga self-proclaimed organizers at ilang mga opisyal ay pagkawatak-watak ng democratic forces ang resulta. Depende kung ano political agenda ng bawat grupo.
So ano nangyari sa pag-asa ng EDSA forty years ago? Tulad ng araw-araw na karanasan ng mga motorista. NATRAPIK! At hindi nakarating sa dapat na patutunguhan – tunay na demokrasya at hindi para sa pakinabang ng iilan.
Kung bawal kami sa EDSA, may iba namang daan para maihayag ang damdamin tungo sa pagbabago na ipinangako noon sa EDSA. At baka doon ay walang trapik tayong mararanasan.
(Pahayag mula sa Lawyers for Commuters Safety and Protection o LCSP)
1
