NADISKUBRE ng pinagsanib na pwersa ng Bureau of Customs (BOC), kasama ang Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), at Department of the Interior and Local Government (DILG), ang mahigit P200 milyong halaga ng illicit cigarette manufacturing equipment, raw materials, at finished products kasunod ng inilunsad na joint inter-agency operation na layuning wasakin ang sindikato sa likod ng large-scale violations ng customs at economic sabotage laws.
Ayon sa ulat na ibinahagi ng BOC, mahigit P200 milyong halaga ng mga pekeng sigarilyo at mga gamit sa paggawa nito ang tumambad sa sinalakay na bodega sa Cavite, katuwang ng kanilang Intelligence Group sa isinagawang operasyon ng mga tauhan ng AFP, PNP-Calabarzon, DILG at Lokal na Pamahalaan ng Tanza.
Nadiskubre ang mga pekeng sigarilyo at mga ginagamit sa paggawa nito sa warehouse na dating imbakan ng mga de lata.
Nakatanggap umano ng sumbong ang mga awtoridad dahil sa amoy ng tobacco dahilan upang magsagawa sila ng surveillance at salakayin ito.
Nadiskubre rin ang pekeng tax stamps na ginagamit umano para makaiwas sa pagbabayad ng tamang buwis.
Sa initial assessment ng BOC, kabilang sa mga nasamsam ang 11 suspected cigarette manufacturing machines, dalawang generator sets, isang forklift, at sampung brands ng finished cigarette products.
Kabilang dito ang cigarette brands na Champion, Marlboro, Canon Menthol, New Orleans, Bros, New Berlin, Commando, Delta, at Troy, na pawang pakay ng final inventory and verification.
Ayon sa tanggapan ni Custom Commissioner Ariel Nepomuceno, ang search and dismantling operation ay ikinasa sa bisa ng Letter of Authority No. 02-18-023-2026 and Mission Order No. 02-18-028-2026, kasunod ng nakalap na intelligence information hinggil sa posibleng paglabag sa Republic Act No. 10863, o the Customs Modernization and Tariff Act (CMTA), at Republic Act No. 12022, o mas kilala bilang Anti-Agricultural Economic Sabotage Act.
Ayon sa BOC, patuloy ang kanilang mga operasyon laban sa smuggling, illicit manufacturing at pagsabotahe sa ekonomiya na nakaaapekto sa mga lehitimong negosyo at mga lokal na magsasaka.
(JESSE RUIZ)
1
