MALI umano si Iloilo Rep. Lorenz Defensor sa pahayag na hindi uusad ang impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.
Ito ang giit ni Manila Rep. Bienvenido Abante Jr., na nagsabing may sapat na bilang ang Kamara para maipasa sa Senado ang impeachment at maisalang sa trial ang Bise Presidente.
“More than enough number,” diin ni Abante.
Nauna nang sinabi ni Defensor na malamang hindi makalusot sa House Justice Committee ang apat na impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte at agad itong mababasura.
Batayan ni Defensor ang hindi natuloy na impeachment noong nakaraang taon, nanatiling mataas na approval rating ng Bise Presidente at ang deklarasyon nitong tatakbo sa 2028 elections.
Pero ayon kay Abante, one-third lamang ng kabuuang miyembro ng Kamara ang kailangan o 105 na mambabatas para umusad ang impeachment.
“The magic number is 105, math is straightforward and within reach,” paliwanag niya.
Inihalimbawa pa nito ang “overwhelming vote” sa Kamara sa nakaraang impeachment move kung saan mahigit 200 kongresista ang lumagda sa unang complaint.
“So, I don’t think mahihirapan ito na makaabot. Palagay ko we are in a proper position at this point in time,” ani Abante.
DOJ Hindi Apektado
Samantala, kumpiyansa ang Department of Justice (DOJ) na hindi maaapektuhan ng pagtakbo sa 2028 presidential elections ang kasong nakabinbin laban kay Duterte.
Sa ambush interview, sinabi ni DOJ Spokesman Atty. Polo Martinez na nasa masusing pag-aaral na ang resolution sa kasong grave threats at inciting to sedition laban sa Bise Presidente.
Mayroon na umanong draft resolution ngunit isinasailalim pa ito sa review ng mga division head.
Magugunitang naghain ng reklamo ang National Bureau of Investigation (NBI) noong Pebrero 2025 kaugnay ng umano’y pagbabanta ni VP Sara noong Nobyembre 2024 laban kina President Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at House Speaker Martin Romualdez.
Ayon sa DOJ, tuloy ang proseso at nakasalalay ito sa ebidensyang nakalap, hindi sa political developments.
(TINA MENDOZA/JULIET PACOT)
1
