SA gitna ng mga pag-uusap sa posibleng susunod na Senate President sa pagpasok ng bagong administrasyon, dumarami ang naniniwala na ang pinaka kwalipikado ay ang nagbabalik sa Senado na si Deputy Speaker Loren Legarda.
Bagama’t walang pahayag kung interesado si Legarda sa posisyon ay marami na ang naggigiit na siya ang pinaka-angkop na maging lider ng Senado sa 19th Congress.
Ito ay dahil si Legarda ay matalino, may karisma, may leadership at masipag magtrabaho.
Bukod dito, si Legarda ang pinaka-senior sa magiging bagong komposisyon ng Senado bilang three term senator, natatanging babaeng senador na naging Majority Leader, naging chairman ng Senate Committee on Finance at dalawang beses na nag-number one sa Senatorial Elections.
Si Legarda rin ay kinikilala at respetado ng iba’t ibang sektor sa bansa at maging sa buong mundo dahil sa kanyang adbokasiya ukol sa pangangalaga sa kapaligiran at disaster preparedness.
Si Legarda ay kasalukuyang UNISDR Global champion for resilience, kinilala bilang Global Leader for tomorrow ng World Economic forum at Global Ambassador for Disaster Risk Reduction.
Maging si outgoing Senate President Pro Tempore Ralph Recto ay kumbinsido na isa si Legarda sa pinaka-kwalipikado na maging susunod na Senate President sa 19th Congress. (DANG SAMSON-GARCIA)
