LESS STUPID LAW KUNG OVERPAID ANG TEACHERS

DPA ni BERNARD TAGUINOD

“MAYBE if we underpaid politicians and overpaid teachers, there would be smarter people and less stupid law”.

Nabasa ko lang ‘yan sa internet at hindi ko alam kung sino ang nagsabi n’yan pero sumasang-ayon ako sa kanya one hundred one percent dahil sa katotohanan lang, ang mga politiko ang may pinakamataas na sahod sa ating bansa.

Ang presidente ang may pinakamataas na sahod sa Pilipinas na umaabot P441,000 kada buwan na katumbas ng Salary Grade (SG) 33 at ang Vice President, Speaker of the House, Senate President ay SG 33 o P346,777.

Ang ordinaryong congressmen at senators, associate justices, chairmen ng mga Constitutional Commission ay SG 31 o katumbas ng P291,397 kada buwan at second step pa lang ‘yan ha. Kapag umabot sila sa step 8 ay magiging P326,681.

Sumasahod naman ngayon ng P299,401 kada buwan ang department secretary, presidential assistant 1 dahil SG 30 ang kanilang kategorya habang ang undersecretaries (USEC) SG 29 o P176,802 kada buwan at pagdating ng Step 8 na sinasabi ay magiging P194,436 na.

Walang problema sa career officials tulad ng mga miyembro ng hudikatura at mga Constitutional Commission pero hindi ba matataas masyado ang sahod ng mga politiko at appointees nila kumpara sa public school teachers.

Ang sinasahod lang ng isang Teacher 1 ngayon ay P28,795 kada buwan dahil SG 11 lang sila; SG 12 naman ang Teacher 2 na may katumbas na P30,989 habang ang Teacher 3 ay SG 13 o P33,183.

‘Yung mga Master Teacher 1, Master Teacher 2, hanggang Master Teacher 3 ay may SG 18 hanggang SG 19 ang sahod o P49,542; P54,649 at P61.032, ayon sa pagkakasunod kaya luging-lugi talaga sila sa mga politiko.

Eto pa, nagsunog ng kilay ang public school teachers, hindi tumigil sa pag-aaral at karamihan sa kanila ay kumuha ng masteral, samantala karamihan sa mga politiko ay hindi man lang nagtapos ng pag-aaral.

Hindi na ako magbabanggit ng pangalan kung sino sa mga senador ang hindi nakatapos ng pag-aaral at may mga senatorial candidate ngayon ay katulad nila na gustong maging senador na ang tanging kuwalipikasyon ay sikat pero walang maayos na educational background.

May isang senatorial candidate ang tinanong kung ano ang plataporma niya at anong batas ang gagawin niya sa Senado, sumagot ba naman na wala pa kasi hindi pa siya nananalo! Hindi ba naman kasumpa-sumpa ‘yan.

Sa Kamara ay wala akong kilala na hindi nakatapos ng pag-aaral pero sa Senado, Diyos ko! Kaya hindi ko masisisi si late Senator Miriam Defensor Santiago nang bitiwan niya itong katagang ito na “Biruin mo ang pulis dapat college graduate. Ang Presidente at Senador, read and write lang? Kaya kahit sinong gago pwedeng maging presidente, pwedeng maging senador!”

Pero kung underpaid ang mga politiko at ibigay sa mga teacher ang kahit napakalaking sahod, baka maging matalino na ang mamamayang Pinoy at kapag tumalino sila, hindi ‘yan boboto ng mga G….” huwag na!

104

Related posts

Leave a Comment