IGINIIT ng pamunuan ng Philippine Swimming Inc., (PSI) na mas pinahahalagahan nito ang FINA standard time kaysa FINA ranking points sa pagpili ng swimmers na ipadadala sa international tournament gaya ng World Championship na isasagawa sa Hunyo 16 hanggang Hulyo 4 sa Budapest, Hungary.
Ito ang ikinatwiran ng asosasyon sa pagsipa kay lone Pinoy gold medalist sa women’s 200-meter backstroke sa nakaraang Southeast Asian Games sa Hanoi, Vietnam na si Chloe Isleta mula sa national team na sasabak sa World Championship.
Sa pinakabagong memorandum na inilabas ni PSI president Lani Velasco na may petsang Hunyo 9, 2022, iginiit niyang isinantabi ng asosasyon ang naunang line-up ng koponan noong Mayo 29 bunga nang hindi inaasahang injury ni US-based swimmer Luke Gebbie at pagkakapasa sa FINA standard time nina Jasmine Alkhaldi at Miranda Renner sa kanilang pagsabak sa 31st SEA Games noong Mayo 17.
“Since Chloe’s selection was based on rankings by FINA points (Universality) and Jasmine and Miranda were selected by virtue of ‘B’ Standard Entry Time they achieved in a FINA Qualifying event, we had no choice but to pull out Chloe (Isleta). According to FINA Summons and our own Selection Criteria, achieving Standard Entry Times make precedence over rankings by FINA points,” ayon kay Velasco.
Nauna nang binatikos ni Cecille Doromal-Waller, ina ng national record holder at SEAG multi-medalled swimmer na si Isleta, ang pag-etsapwera sa kanyang anak sa Budapest tourney.
“Hindi ako tinawagan dahil alam niya (Lani Velasco) na hindi ko ito iiwan, ipaglalaban ko ito. Pinaghirapan ito ni Chloe tapos aalisin nila sa line-up, para maipasok ang alaga nila na kahit
hindi qualified okey lang dahil sunod-sunuran sa kanila,” giit ni Doromal-Waller.
Dagdag niya, iligal ang ginawa ng PSI dahil nilabag nito ang mismong panuntunan ng asosasyon sa nomination process para sa World Championship.
“PSI violated the guidelines, their own selection guidelines! To allow their preferred athletes to be added to the roster. Why should Chloe Isleta suffer from the negligence of a coach who failed to nominate their own athlete?”
Punto pa ni Doromal-Waller, ang tinutukoy ni Velasco na qualifying time nina Alkhaldi at Renner sa SEA Games participation nila ay lagpas sa itinakdang deadline at FINA rules.
“Binigyan ng FINA ng sanction ang SEA Games hindi para gamiting qualifying time sa World Championship, bagkus para mabigyan ng pagkakataon ang mga swimmer na mapaganda ang kani-kanilang time para sa ranking points.
“Pasok si Chloe sa standard time noon pang 2021 sa kanyang pagsali sa Puerto Rico championship. So, anong sinasabi nilang sumusunod sila sa FINA rules? Inalis nila si Chloe para mapagbigyan ang alaga nila. Ano tawag dyan, bata-bata system,” sambit ni Doromal-Waller.
Kaya panawagan niya sa PSI: “Maawa naman kayo sa mga atleta na nagsasakripisyo at sa mga coach at sa sambayanang Pilipino.”
Samantala umaani ngayon ng suporta, maging sa netizens, ang pagbibitiw sa puwesto ni Velasco o panawagang “#LetLaniLeave” ni Doromal-Waller.
Nabatid na ilang coaches at swimming clubs din ang nagpahayag ng pagkadismaya at handang maglabas ng mga nalalamang katiwalian sa PSI. (DENNIS IÑIGO)
![](https://saksingayon.com/wp-content/plugins/dp-post-views/images/eyes.png)