HINIMOK ng Batangas Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ang LGUs sa paligid ng Taal Lake at Taal Volcano na mahigpit na bantayan at gawing off limits sa mamamayan ang volcano island.
Ito ay matapos bisitahin ng mga opisyal ng PDRRMO, kasama ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, ang mismong isla ng bulkan.
Noong Miyerkoles, nagsagawa ng inspeksyon ang naturang departamento kasama ang mga tauhan ng Office of Civil Defense IV-A, Philippine Coast Guard, Batangas PNP, at at mga kinatawan mula sa tanggapan ng Taal Volcano Protected Landscape sa Taal volcano island at sa iba pang lugar sa palibot ng Taal Lake.
Subalit sa kabila na ipinagbabawal at ginawa nang permanent danger zone ang mismong volcano island simula nang sumabog ito noong Enero 2020, ilang mga kabahayan at mga naninirahan ang nakita roon.
Ayon sa mga ito, sila ay mga mangingisda at mga fishcage caretaker na pansamantala lamang tumutuloy sa kanilang mga kubo sa isla na ginagamit nilang imbakan ng mga pakain sa isda. Nagtutungo lamang umano sila roon tuwing umaga at umaalis din sila tuwing hapon at hindi roon nagpapalipas ng gabi.
Subalit hindi kumbinsido ang mga opisyal dahil ayon kay Batangas PDRRMO head, Dr. Amor Calayan, ay may mga nakita na silang mga alagang hayop sa isla katulad ng mga aso at manok.
(NILOU DEL CARMEN)
