NAKAPAGTALA ang Department of Health (DOH) ng 35 kaso ng respiratory disease sa evacuation centers sa Albay sa pagpapatuloy ng pag-aalburuto ng Bulkang Mayon.
Kabilang sa mga ito ang mga nakaranas ng ubo, sipon, at sore throat na iniulat noong Hunyo 13.
Ayon sa DOH, ang iniulat na mga kaso ay hindi pa tiyak kung adverse effects ng sulfur dioxide at ashfall.
“We would like to assure the general public that the Department of Health is on the ground and continuously monitoring the affected population,” sabi ng DOH.
Hindi bababa sa 4,286 pamilya o 15,241 katao ang inilikas mula sa 6-km danger zone.
Ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology ay nakapagtala ng 309 rockfall events at pitong volcanic earthquakes sa Mayon sa nakalipas na 24 na oras.
(RENE CRISOSTOMO)
