LIBONG MAGSASAKA MAKIKINABANG SA GREENHOUSE PROJECT NI LOREN

PATULOY ang pagpapalakas ng lalawigan ng Antique sa kanilang anti-insurgency efforts at mga hakbangin na maiahon sa hirap ang kanilang mamamayan.

Isa sa mga proyektong ipinagmamalaki ay ang greenhouse project sa San Remigio, Antique sa pangunguna ni dating Senador at ngayon ay Antique Rep. Loren Legarda.

Binuhusan ni Legarda ng pondo sa ilalim ng Department of Agriculture (DA) ang pagtatayo ng pitong greenhouses sa Brgy. Aningalan, San Remigio.

Mayroon itong storage tank at water catchment upang matulungan ang mga magsasaka sa matataas na bahagi ng lalawigan upang makapag-produce ng ‘best quality’ ng mga high value crops at
pataasin ang kanilang kita.

Ayon kay Nick Calawag ng Office of the Provincial Agriculturist, walong barangays ang nakikinabang sa greenhouses. Kabilang sa mga produktong magmumula rito ang iba’t ibang klase ng bulaklak, lettuce, bell peppers, cherry tomatoes at high-value crops tulad ng cauliflower, cabbages at broccoli.

Sa kwento ni Calawag, matindi ang pakikipaglaban ng San Remigio sa insurgency kaya’t napili ng mambabatas ang lugar para sa greenhouse project.

Nilinaw naman ni Calawag na ang pondo para sa proyekto ay hindi nagmula sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) at sa halip kay sa pagsisikap ni Legarda.

“Napakinabangan na din namin ito. Yung lettuce nakatanim na kami dyan. Naka dalawang cycle na kami dyan. Nakabenta na kami,” pahayag ni Calawag.

Ang proyekto ay ang unang greenhouse project sa Western Visayas.

Bukod sa konstruksyon ng greenhouses, sinasanay rin ang mga magsasaka sa high value crops production technology para madagdagan ang kanilang kaalaman sa pagtatanim.

Una nang tiniyak ni Legarda ang pagsusulong ng mga programa para sa kapakanan ng mga magsasaka at mangingisda sa bansa bilang mahalagang hakbangin sa food security. (DANG SAMSON-GARCIA)

129

Related posts

Leave a Comment