Libreng sakay, discounts ilalarga FARE HIKE PINIGIL NI PBBM

SINUSPINDE ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang nakaambang taas-pasahe na dapat ipatutupad ngayong Marso 19 matapos itong aprubahan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Sa kanyang video message, iginiit ng Pangulo na hindi napapanahon ang dagdag-pasahe sa gitna ng krisis dulot ng tensyon sa Middle East.

“Hindi ito ang panahon para magtaas ng pamasahe… kailangan patuloy ang pag-alalay sa commuters,” ani Marcos.

Agad niyang inatasan ang Department of Transportation (DOTr) na i-defer ang fare hike at palakasin ang tulong sa transport sector.

Kapalit nito, paiigtingin ang Libreng Sakay Program sa buong bansa, kasama ang diskwento sa MRT at LRT, at bawas-singil sa mga toll road.

Tiniyak naman ng Pangulo na bibilisan ang ayuda para sa transport workers upang hindi sila malugi sa pansamantalang suspensyon ng taas-pasahe.

Nauna nang inaprubahan ng LTFRB ang dagdag-pasahe sa jeep, bus, taxi, at TNVS, ngunit naudlot ito dahil sa direktang utos ng Pangulo.

Kasabay nito, nagsasagawa na ng inventory ang gobyerno para sa planong Libreng Sakay Program.

Ayon kay Executive Secretary Ralph Recto, layunin nitong tukuyin ang mga sasakyang maaaring i-deploy, kabilang ang government vehicles at posibleng rented buses.

Hihikayatin din ang mga lokal na pamahalaan na palawigin ang operating hours ng kanilang free ride programs.

Giit ni Recto, malaking tulong ito lalo na sa mga estudyante at manggagawa para makatipid sa transport costs.

(CHRISTIAN DALE)

78

Related posts

Leave a Comment