BATANGAS – Natimbog ng mga awtoridad ang umano’y lider ng isang gun for hire group sa bayan ng Padre Garcia sa lalawigang ito.
Kinilala ang suspek na si Sulpicio Andal, 55, lider ng Andal gun for hire group na nag-o-operate sa lalawigan ng Batangas.
Si Andal ay inaresto sa ikinasang search warrant operation ng mga tauhan ng Provincial Intelligence Unit-Batangas PPO, OPD-Drug Enforcement Unit,
1st Batangas Provincial Mobile Force Company, Regional Mobile Force Battalion 403rd-A Maneuver Company, at Padre Garcia MPS sa bahay nito sa Barangay Maugat, Padre Garcia.
Nakuha kay Andal ang isang kalibre .45 na baril, mga magazine at bala nito.
Nasa kustodiya na ng Batangas PPO ang suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act). (NILOU DEL CARMEN)
