SINIGURO ng pamunuan ng Kamara na ipapasa nila ang panukalang batas na magpapataw ng parusang habambuhay (life sentence) na pagkakakulong sa mga smuggler ng lahat ng agricultural products.
Labing-apat hanggang labimpitong (14-17) taon naman ang parusang kulong sa mga miyembro ng cartel, hoarders at profiteers ng agri-products.
Sa ngayon, may 10 panukalang batas na pawang tumutulak para amyendahan ang Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016 ng Republic Act (RA) 10845 na nakabinbin sa House Committee on Agriculture and Foods.
Ayon sa natanggap nating impormasyon, sa lalong madaling panahon sa umpisa ng 2nd Regular Session ng 19th Congress, ay agad tatalakayin ng Kamara ang pagpasa ng panukalang pag-amyenda sa Anti-Agricultural Smuggling Act.
Sinabi ni Speaker Martin Romualdez, kabilang ang panukalang ito sa 20 na napagkasunduan sa ikalawang Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) na ipapasa bago matapos ang taong kasalukuyan upang mapalakas ang kampanya laban sa mga smuggler, cartel, hoarders at price manipulators o ang tinatawag na profiteers.
Sa panukalang batas na ito, ang smugglers ng agri-products ang target kaya sinisikap na maamyendahan ng mga mambabatas para matiklo ang mga cartel, hoarders at nagmamanipula sa presyo nito upang mapatawan ng parusa.
Sana nga may smugglers, cartel, hoarders at price manipulators na masampulan ang gobyerno para maniwala ang taumbayan na walang kinikilingan ang batas sa Pilipinas.
Kahit na mabibigat pa ang mga parusang ipinapasa ng mga mambabatas laban sa smugglers, cartel, hoarders at price manipulators kung hindi naman ito maipatutupad sa mga bigtime na mandaraya sa buwis ay wala ring mangyayari.
Kailangang iimplementa ito sa lahat ng uri ng tao, maging anak ka man ng opisyal na may pinakamataas na posisyon sa gobyerno o anak ka man ng pinakamayaman sa Pilipinas.
Dapat walang kinikilingan kung gusto nating tumino at umangat na ang ekonomiya ng bansa.
Dapat matapalan ang mga butas na dinadaluyan ng korupsyon sa mga tanggapan ng gobyerno.
At kasabay nito, tiyakin ng gobyerno ang suporta sa lokal na mga magsasaka upang dumami ang kanilang mga ani at hindi tayo mag-angkat pa mula sa ibang bansa sa Asya.
Sa totoo lang, kung magiging makatotohanan lamang ang aksyon ng gobyerno sa pagtulong sa mga magsasaka, malamang, hindi na tayo aasa pa sa importasyon.
Naturingang agricultural country ang Pilipinas pero ang daming nagugutom kasi ayaw taniman ang malalawak na lupain na pag-aari ng pamahalaan.
Wala kasi silang natatanggap na financial support mula sa gobyerno para makapagsimula sila sa pagtatanin sa mga kabundukan na nakatiwangwang lamang.
oOo
Para sa sumbong at reaksyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.
227
