TINUTUTUKAN ngayon ng pamunuan ng PNP-National Capital Region Police Office (NCRPO) ang ilalatag na security measures para sa “Ligtas Paskuhan 2020” na may pagsunod sa health and safety protocols, habang pinaghahandaan din ang “Traslacion 2021”.
Ayon kay NCRPO chief, BGen. Vicente Danao Jr., kakaibang paghahanda ang ginagawa ng pulisya bunsod ng umiiral na emergency health protocol dahil sa coronavirus pandemics ngayong holiday season.
Pahayag ni Gen. Danao sa kanyang mga tauhan, “Let us live with the virus and do not allow COVID-19 to hinder our responsibilities of keeping Metro Manila safe and secured”.
Hindi umano dapat na maging hadlang ang COVID-19 virus sa pagganap ng mga pulis sa kanilang mandato lalo na ngayong yuletide season.
Nitong nagdaang linggo ay ginanap ang Final Joint Coordinating Meeting kaugnay sa ipatutupad na deployment plan para sa “Ligtas Paskuhan 2020″.
Ang nasabing pulong ay nakapokus sa pagbuo ng mga estratehiya para maging matagumpay ang pagpapanatili ng peace and order ngayong holiday season sa buong Metro Manila na mahigpit pa rin inoobserbahan ang health and safety protocols para maiwasan ang pagtaas ng kaso ng COVID-19.
” Let us maximize our presence in the field to prevent crime and terrorism. Let us continue to collaborate and open our communication for better coordination,” atas ni B/Gen. Danao kasabay ng pahayag na higit na palalakasin ang puwesa ng pulisya sa mga lansangan.
Personal na nagsagawa ng inspeksyon sa Minor Basilica ng Black Nazarene si Danao kasama ang bagong talagang Manila Police District director na si BGen. Leo Francisco, kaugnay sa gagawing paghahanda sa nalalapit na Traslacion 2021.
Personal ding nakipagpulong si Danao kay Bishop Broderick Pabillo kung saan tinalakay ng dalawa ang nalalapit na Traslacion kaugnay sa mga plano at programa sa pagdiriwang ng kapistahan ng Itim na Nazareno para masigurong ligtas at ‘secured’ ang nasabing lugar at kung paano maipatutupad ang health protocols partikular ang social distancing sa bisinidad ng simbahan. (JESSE KABEL)
